Saloobin ng OFWs hindi pinapansin

KUNG ang 11 milyong overseas Filipino workers ang isu-survey ng Social Weather Stations at Pulse Asia, ano kaya ang sasabihin nila tungkol sa samu’t saring isyu? Kontento ba sila o asiwa sa pamunuan ng gobyerno? Sang-ayon ba sila o salungat sa direksiyon ng bansa? Masaya ba sila o malungkot sa buhay?

Mahalagang mabatid ang kanilang saloobin. Mga nag-iisip at may pinag-aralan sila. Hindi sila makakapag-trabaho sa abroad kung wala silang katangi-tanging kaalaman at pagsasanay. Makakatulong ang opinyon nila sa pagtakda ng pambansang patakaran.

Nalilimita ang survey respondents sa mga nasa Pilipinas. Samantala, napaka-laking bahagi ng populasyon, 11%, at ng work force, 22% ang mga OFWs na nakakaligtaan ang saloobin. Malamang kung sinu-survey din sila, maiibang lubos ang resulta sa SWS at Pulse Asia. At kung padaliin ang overseas voting, malamang na matitino ang mahahalal. Hindi na aangal ang mga nag-iisip na mamamayan, na mga mangmang umano ang nagluluklok sa mga tamad at tiwali.

Agham ang pagsu-survey. Tiyak may mainam na paraan para makuha ang saloobin ng OFWs, saan man sila naroon. Dagsa sila sa North America, Middle East, East Asia-Australia, at Europe. Doon sila maaring sundan para mahalaw ang tugon sa mga tanong na bumabagabag sa bansa.

Bukod sa surveys, dapat padaliin ang pagboto ng OFWs. Nakatatlo nang overseas voter registrations nitong nakaraang dekada, pero ilang daan-libo lang ang nakapagpatala. At lalong mas konti ang mismong bumoto. Kasi napakalayo ang registration at polling centers sa kinaroroonan nila. Sana, by secure mail o Internet na lang, para simple.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

Show comments