‘Kalidad na pamumuhay’
ANG kalidad na trabaho at kalidad na sweldo ang magbibigay ng disenteng pamumuhay sa isang trabahante o empleyado.
Hindi ito sapat lang sa damit, kasuotan at tirahan. Kundi, lagpas pa sa mga pangunahing pangangailangan o basic necessities ng isang pamilya o ng isang indibidwal.
Kapag pinag-uusapan ang trabaho, unang pumapasok sa isipan ang mga maliliit na manggagawa.
Sila, dahil na rin sa kasalatan sa kaalaman at edukasyon, kadalasan ang mga walang disenteng trabaho na walang disenteng sweldo kaya wala ring disenteng pamumuhay.
Sa natitirang termino ni Pangulong Benigno Aquino, marami ang nag-aasam na sana ilaan ng administrasyon ang natitirang panahon sa paglikha ng trabaho.
Mag-imbita ng mga dayuhang imbestor na mamumuhunan sa bansa na magbibigay ng trabaho. Hindi lang puro espekulasyon o pangako at pagpapaasa sa taumbayan.
Laging ipinagmamalaki ng pamahalaan ang tiwala ng mga banking community sa Pilipinas tulad ng bansang Amerika. Humahanga sila sa integridad ni PNoy at tiwalang bumaba ang korupsyon at katiwalian sa kaniyang panunungkulan.
Sapat na sana itong basehan para mamuhunan ang mga dayuhang imbestor sa Pilipinas kung walang sangkaterbang mga kurakot at tiwaling nakapaligid sa pangulo.
Ang problema, mismong si Juan Dela Cruz ang nagsasabi na hindi nila nakikita at nararamdaman ang paulit-ulit na inaanunsyonginclusive growth ng administrasyon. Ito ang kanilang persepsyon sa pamahalaan.
Naniniwala ang BITAG Live na hindi kurap at kurakot si PNoy hindi tulad ng ilang mga gabinete at kaalyado niyang nakapalibot sa kaniya.
Subalit, hindi lang dapat dito nakadepende ang kumpyansa ng mga gustong mamuhunan sa bansa. Kundi sa bawat aspeto ng buong bansa partikular sa mabuting pamamahala, pagiging klaro at pananagutan. Sa English, good governance, transparency and accountability.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest