P-Noy, wag balat-sibuyas
MAGANDA na sana ang State of the Nation Address (SONA) ni P-Noy. Madamdamin at mula sa puso. Pero isang bagay ang kapansin-pansin: Malinaw niyang ipinahiwatig na ang lahat ng bumabatikos sa kanya ay kalaban ng bawat Pilipinong naghahangad ng reporma.
Totoong may mga tuligsang bunga lamang ng pamumulitika pero mayroon ding mga puna na ang layunin ay makatulong sa repormang dapat maisulong.
Naniniwala akong nagsalita mula sa kanyang puso ang Pangulo. Siguro kung ako ang nasa katayuan ng Pangulo ay hindi lamang ako mabubulunan at mababasagan ng tinig kundi tuluyang mapapahagulgol.
Kasi’y buo ang paniniwala ko na mabuti ang ginagawa ko sa bansa pero sa kabila nito’y inuulan ako ng batikos at pag-alipusta.
Pero ang sino mang leader ay hindi dapat maging “balat-sibuyas” kundi dapat magsuri. Huwag ituring na ang lahat ng tuligsa ay pawang paninira. Kung sinsero si P-Noy na ang taumbayan ay “boss” niya, makikinig siya sa mga puna. Huwag bulagin ang sarili sa paniniwalang karamihan sa mga Pilipino ay nasa panig niya.
Bawat Pilipino ay may karapatan at layang pumuna kung may nakikitang mali sa pamamalakad sa gobyerno. Iklasipika lang ng isang leader ang mga balidong puna sa mga paninirang pulitikal. Madali namang malaman ito basta huwag magbulagbulagan sa katotohanan. Ipinagmamalaki ng administrasyon ang malaking progreso sa ekonomiya.
Pero ayon sa latest survey ng SWS, nasa 12.1 milyong pamilyang Pilipino ang naniniwalang sila ay naghihirap. Limampu’t limang porsyento ng kanilang tinanong na pamilya ay nagsabing sila ay mahirap.
Ito ay mataas ng 2 percent sa 53 percent ng may 11.5 milyong pamilyang Pilipinong naghihirap noong unang quarter ng 2014.
Kaso, kapag maganda ang resulta ng survey ay masayang-masaya ang administrasyon at agad naniniwala. Pero kapag negatibo, ito’y sasabihing kagagawan ng mga mapanirang elemento sa daigdig ng pulitika.
- Latest