^

PSN Opinyon

‘Sa Dibdib ng Kaaway’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Ang Eba ng iba… lingkisin ng ahas asahan mong may taga na hahataw para katawan mo’y hatiin.

“Ang magada bilhan niya ng ticket pauwi ang asawa ko! Dahil manyakis yang amo niyo!” matigas na sabi ni ‘Edwin’.

Kung abot lang ng kamao ni Edwin Lantaco, 35 anyos sa Riyadh lumaylay na ang panga ng among Arabo ng misis sa suntok niya.

Parehong tubong Compostela, Valley Province ang mag-asawang Edwin at Jill Lantaco, 35 anyos. Taong 2000, nang unang lumuwas ng Maynila.

Isang taon na siyang namamasukan ng isama siya ng pinsang si “Don-Don” sa tinutuluyang apartment sa Muñoz. Kasama nila dun ang mga kaibigan ni Don-Don, taga Compostela Valley din. Dito ipinakilala sa kanya ang noo’y 23 anyos na si Jill---pinsan ng kasama nila sa bahay. Taga Mapawa, Maragusan, Compostela, factory worker. Taong 2003, nang sumama na rin sa apartment si Jill.

“Aso’t pusa ang tawag nila sa amin dahil alaskador si Jill inaasar niya kong malaki mata… malaki tiyan.,” pagbabalik tanaw ni Edwin.

Aminado si Edwin na dati siyang pilyo kaya’t naisip niyang gantihan si Jill sa pamamagitan ng pagligaw sa dalaga. “Ang plano ko lang talaga mahulog lang siya sa’kin…  pero ng magtagal parang nag-iba,” ani Edwin.

Naramdaman ni Edwin na nagugustuhan na niya si Jill. Gusto niya na itong pormahan subalit ‘di siya makadiskarte dahil bantay sarado ito ng pinsan hanggang pumuntang Amerika ang pinsan ni Jill. Lumuwag sa apartment.

“Hinatid-sundo ko siya sa pabrika. Sinagot niya ako agad,” ani Edwin.

 Setyembre 2013, umuwi ang dalawa sa probinsya. Naunang bumalik sa Maynila si Jill at naiwan si Edwin. Isang taon silang nawalan ng komunikasyon. 

Lumuwas muli ng Maynila si Edwin at namasada ng ‘taxi’. Nagkita silang muli ni Jill. Naging sila ulit, ilang linggo ang nakalipas nagsama na sila. Isang taon lang ang hinintay nila, nabuntis na si Jill. Sa probinsya tumuloy ang mag-ina.

Setyembre 2011, umuwi ng probinsya sa Edwin para pakasalan si Jill sa Kasalang Bayan nung Ika-10 ng Desyembre 2011.

Sinubukang magmina ni Edwin sa probinsya subalit maliit ang kita niya dito kaya’t bumalik siya ng Maynila’t namasada ng traysikel hanggang sa kasalukuyan.

“Hindi kami makaipon. Gusto ng misis ko magkaroon ng sariling bahay kaya’t naisip niyang mag-abroad,” wika ni Edwin.

Noon pa lang daw, gusto na ni Jill magtrabaho sa labas ng bansa tulad ng kanyang kapatid. Hindi lang daw niya pinapayagan ang misis subalit sa pagkakataong ito ‘di na niya mapigil si Jill.

Enero 2014, nag-ayos siya ng dokumento papuntang Riyadh bilang isang Domestic Helper (DH). Sa tulong ng ABC Manpower Agency Inc. nakaalis ng bansa si Jill nung ika-26 ng Marso 2014.

Halagang 1,500 Riyals o katumbas na P16,000 ang kita niya kada buwan para sa dalawang taong kontrata. Maayos nung una ang kundisyon ni Jill dun.

“Hindi siya nakapagbigay ng pera nung unang buwan. Kada dalawang buwan na lang daw ang sahod niya para mas malaki,” ayon kay Edwin.

Ika-26 ng Mayo 2014, araw ng pagpapadala ng pera ni Jill bigla na lang daw tumawag ang kanyang among lalaki… bandang 3:50 ng hapon dito sa Pinas.

Bigla nitong binigay ang telepono kay Jill. Nagulat ito ng sabihin ng asawang, “Pa…bastos amo  ko dito kaya uuwi ako!”

“Bakit ano ginawa sa’yo?” mabilis na tanong ng mister.

Nung ibalik ang telepono sa amo ng misis matapang na tanong niya, “What are you doing to my wife? Why is she crying?!”

“Nothing… Nothing. I’ll call you back,” sabi ng amo sabay putol ng linya.

Ilang sandali tumawag ulit si Jill. “Pa, nilamas ng amo ko ang mga dibdib ko…” sumbong umano ng misis.

Nagwala na ang mister sa narinig. Isang Pinay na nagtatrabaho sa patahian ng amo ni Jill ang kumausap sa kanya. “

Mabait naman ang amo ko. Humihingi na ng sorry si Sir… ‘di na daw niya uulitin,” sabi umano ng Pinay.

Galit na sabi ni Edwin, “O? Nasimulan na niya yan… Uulit-ulitin na niya! Kaya magsusumbong ako sa OWWA, kahit saan!”

Tumawag muli ang Pinay. Sa inis ni Edwin diniresto niya ito, “Ang maganda bilhan niya tiket pauwi ang misis ko dahil manyakis ang amo niyo!”

Kinabukasan tumawag muli si Jill at nakiusap na ‘wag na daw magsumbong. Inilipat na siya ng amo sa patahian. Inihinto niya ang pagsumbong sa OWWA subalit tumawag pa rin siya sa ahensya ni Jill at pinarating ang nangyari.

Nakausap niya si “Riza” at sinabing ‘di basta mapapauwi si Jill. Iimbestigahan pa ito ng ahensya sa Riyadh, ang Rateg for Manpower Services.

Nitong huli, binalita ni Jill na binalik siya ng amo sa bahay dahil DH daw nakalagay sa kontrata niya at magkakaproblema ‘pag nasilip na nasa pabrika siya.             

“Natatakot po ako para sa asawa ko. Huling tawag niya nakikusap siya sa’kin sabi niya, ‘Pa, ayoko na dito… natatakot ako,” ani Edwin.

Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa’min. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ(Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

Kinapanayam namin sa radyo si Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA). Hiniling ni Usec. sa’min na i-email sa kanya ang lahat ng impormasyon tungkol kay Jill nang maiparating niya sa ating embahada sa Riyadh.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pangkaraniwan na ang mga problemang minomolestiya ang ating mga Pinay na OFW ng kanilang amo. Meron nga d’yang nakakagimbal na istorya ng DH na ginahasa ng apat na amo.

Oo nga’t kailangan nila ng pera para guminhawa ang kanilang buhay pero ito’y handa naman nating paghirapan, pagtrabahuhan at tiisin ang anumang lungkot… ang mawalay sa pamilya. Ang hindi natin kaya ay ang tratuhin tayong mga alipin, mga bagay na parausan ng kanilang kamunduhan na para ba tayong mga basahang manyika na ilalabas nila kung kelan nila gustong gamitin.

Ang suliraning ito’y magpapatuloy hangga’t walang konkretong solusyon ang ating pamahalaan para sa ating ang kababayan na rin nila kailangang pumunta sa malayong lugar. Hangga’t ‘di nangyayari ito, importante na magkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng ating bayan at ng bayan sa United Arab Emirates para mas lalong paliwigin pa ang proteksyon na ibibigay nila sa ating mga kababayan (bilateral talks). ‘Wag naman nating basta hayaan na itapon sa dagat para mamingwit ng dolyar, dinar, riyal kapalit naman ang mga pating na lalapa sa kanilang mga pagkatao. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285/7104038 o mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

AMO

BRVBAR

EDWIN

JILL

MAYNILA

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with