NAGLIPANA ang mga “buwitreng” negosyante pagkatapos ng kalamidad. Sasamantalahin nila ang pagkakataon para itaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, sardinas, mantika, kape, asukal at iba pa. Kung tutuusin, mas masahol pa sila sa mga tunay na buwitre (vulture) sapagkat ang mga ibong ito ay tumitigil sa pagkain ng bulok na laman samantalang ang mga negosyanteng masiba ay walang kabusugan. Gusto nila ay kumita nang malaki kaya itataas nang sagad-sagad ang kanilang mga tinda. Wala silang pakialam kung mahirapan ang mga nagugutom na biktima ng kalamidad.
Ngayong nanalasa ang Bagyong Glenda na nag-iwan nang matinding pagkasira sa kabuhayan ng mga tao, tiyak na maglulutangan ang mga negosyanteng masahol pa sa mga buwitre. Dahil maraming nasirang mga bahay, itataas ng mga buwitreng negosyante ang presyo ng construction materials --- yero, kahoy, pako, semento, alambre, bakal at iba pa. Wala namang magawa ang mga nawalan ng tirahan. Sa pagnanais nilang magawa agad ang kanilang bahay na nasira, kakagatin na nila ang presyo kahit na mataas. Wala silang pagpipilian pa dahil kailangang magawa ang bahay para mayroong matirahan. Kawawa ang mga anak kung walang bahay. Pikit-matang bibilhin ang mga gamit para makapagtayo ng bahay kahit pa 200 per cent ang dinagdag na presyo.
Sa ganitong sitwasyon dapat nakaabang ang Department of Trade and Industry (DTI). Magkaroon sila ng team na mag-iinspeksiyon sa mga hardware store. Kapag napatunayang sobra ang taas ng presyo, agad kasuhan ang buwitreng negosyante. Tanggalan ng lisensiya. Hindi sila dapat patawarin.
Magkaroon din naman ng pag-iinspeksiyon ang mga taga-DTI sa malalaking supermarket at mga stalls sa palengke na umano’y nagtaas ng presyo. Ayon sa report, 64 na supermarkets sa Metro Manila ang biglang nagtaas ng kanilang paninda.
Kailangan ang pagkilos ng DTI para mahuli ang mga buwitreng negosyante na magsasamantala sa mamamayang sinalanta ng unos.