NOONG Hulyo 14, tumaas ang kilay ni President Noynoy Aquino nang magpaliwanag sa taumbayan hinggil sa naging desisyon ng Supreme Court sa Disbursement Acceleration Program (DAP). Ayon kay P-Noy malaking tulong ang DAP sa sambayanan para matustusan ang pangangailangan sa agrikultura at mabigyan ng liwanag ang madidilim na lansangan ng bansa. At dahil nga sa paghadlang ng SC sa DAP sa pamamagitan ng 13-0 vote, nagbanta si P-Noy na i-aapela niya ito. May pinasari-ngan pa nga si P-Noy sa mga mahistrado ng SC na hindi nakakaunawa sa kahalagahang dulot ng DAP sa samba-yanan. Ito na kaya ang simula na matungkab ang budget ng Supreme Court ? Kasi nga dahil sa illegal ang DAP ni P-Noy bubusisiin ng mga kritiko kung saan napunta ang bilyong pondo, at kung sinu-sino ang nabiyayaan nito.
Kasi nga patuloy ang paglobo ng unemployment ng bansa at patuloy rin sa pagtaas ang bilihin, kaya ang mahihirap ay lalong naghihirap. Ang masakit lalong kakalam ang sikmura ng mga mahihirap dahil sa hagupit ng Bagyong Glenda. Bilyon ang winasak na palayan, maisan at niyugan sa hanay ng agrikultura. Sa kasalukuyan umaabot na sa 54 katao ang namatay dahil sa bagyo, milyon ding mamamayan ang nawalan ng mga tahanan at ang pinakamasakit maraming lugar pa sa ngayon ang walang kuryente matapos pagpuputol-putulin ni Glenda ang mga poste ng mga power supplier. Ito na marahil ang magandang pagkakataon na maibunton ang sisi ni P-Noy sa mga mahistrado ng SC ang kahalagahan ng DAP. Kasi nga malaking halaga ang inilaan ni P-Noy sa ahensiya ng agrikultura upang mapalaki ang produksyon ng bigas.
Ewan ko lang kung maipaliwanag ni Secretary Alcala kung bakit nagkukulang pa rin ang NFA rice sa merkado. Nang umupo si Alcala sa Department of Agricuture ipinangandakan niya na sapat ang magiging ani ng bigas sa dahil ibubuhos niya ang bilyong budget sa mga magsasaka upang hindi na umangkat sa Vietnam. Ngunit bakit patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga smuggler ng bigas, maging ang pamahalaan ay milyong tonelada ng bigas ang inaangkat sa ibang bansa. Sa hanay naman ng Deparment of Energy walang humpay ang pa-press release ni Secretary Jericho Petilla hinggil sa brownout na dinaranas ng mga taga-Mindanao at Central Luzon. Madalas na kasing masira ang mga planta ng power supply ng bansa dahil sa kalumaan. Kaya itong DAP ni P-Noy ang pinagdidiskitahan ng mga kritiko ng palasyo. At habang isinusulong ng Malacañang ang apela sa SC, higpit-sinturon na lamang tayo upang maibsan ang pagkakagutom sa madilim na kapaligiran.