SINDIKATO. Ito ang tingin ni President Noynoy Aquino kung bakit tumataas ang lahat ng pangunahing bilihin. Sino ang mag-aakala na aabot ang presyo ng bawang sa P3 hanggang P400 kada kilo? Pati bawang hindi na rin ligtas sa matinding pagtaas ng presyo, na lumalabas ay dulot ng mga walanghiyang negosyante. Pinaiimbestigahan ni P-Noy kung bakit nagtataasan ang mga bilihin, kung may sapat na suplay naman. Artipisyal ang pagtaas, kaya siguradong may mga grupo, o tao ang nasa likod nito. Dahil ba mahigpit na ang pagbantay sa pondo ng bayan kaya sa ibang pamamaraan na lamang “kumikita” ang mga dating naghihintay lamang ng pera?
Parang ganito na nga ang tingin kong nangyayari. Mga dating masasarap ang buhay ay naghahanap ng mga bagong pamamaraan kumita nang madali. Nasanay na siguro sa madaling pera, na minsan ay hinahatid lamang sa kanila, kaya ang pakiramdam ngayon ay naghihirap na. Habulin daw ang mga nasa likod ng artipisyal na pagtaas ng presyo, mga hoarders, utos ni P-Noy. At dapat lang. Hulihin, parusahan. Ibang klaseng krimen ang pag-ipit ng pagkain, isang pangunahing pangangailangan, sa mga mamamayan para lamang yumaman. Sana naman may mahuli. Ang problema sa bigas ay hindi pa nga natatapos kahit tukoy na ang nasa likod ng krimen, ngayon bawang naman at iba pa!
Sa pag-ikot ng bansa, nakita naman na sapat ang suplay. At hindi naman tumitigil ang pag-angkat ng mga pagkain kapag kinakailangan. Pero ito nga ang dapat palakasin ng gobyerno, ang sektor at industriya ng agrikultura. Ilang taon, o dekada na nga kung saan tila walang kaunlaran sa sektor ng agrikultura. At nalaman na rin natin kung bakit. Matinding katiwalian. Ang agrikultura ang madalas na dahilan at pamamaraang ginamit ng mga kriminal sa PDAF scam.
Mga bilyong pisong pupunta raw sa agrikultura ay sa ilang tao lamang napunta, para makabili ng Porsche, makasuot ng mamahaling damit at sapatos, maipakitang may malalaking alahas, makapag-party ng katulad ng mga artista at mayayaman sa Amerika. Kung magsasaka ka at mapipilitan ka pang bumili ng mahal na pagkain na alam mong kaya mo namang patubuin, may karapatan kang magalit talaga!