Pati illegal ipinaglalaban?
TUTOL ang transport groups sa ipatutupad ngayong napakalaking multa sa mga mahuhuling colorum na public utility vehicles.
Sakop na riyan ang mga trak, trikes, jeepney, taxi at mga bus.
Nagbuklod daw ang mga transport organizations upang maglunsad ng kilos-protesta sa araw na ito laban sa implementasyon ng bagong batas na mag-uumpisa ngayon.
Isa lang ang nakikita kong rason kung bakit tutol sila. Posibleng sila man ay nakapagpapalusot ng mga colorum vehicles para pumasada. Kapag sinabing colorum, ito’y mga sasakyang walang prankisa at hindi rehistrado sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Hindi nga ba naging isyu kamakailan lang yung tinatawag na “kambal-plaka†o magkapareho ang plaka ng dalawang sasakyang ipinapasada?
Kunsabagay, may nakikita rin akong anomalyang puwedeng mangyari sa implementasyon ng mas malaking multa hindi lamang sa mga colorum kundi sa mga sari-saring traffic violations. Pati halaga ng kotong ay tataas din. Pero hindi iyan ang punto natin.
Bakit tumututol ang mga operators ng public transport sa mabigat na parusa sa mga sasakyang colorum kung ang lahat ng sasakyan nila ay legal?
Sa bisa ng bagong batas, magmumulta ang mga colorum vehicles sa unang paglabag ng ganito: Trak – P200 libo; Jeepney – P50 libo; Vans/AUV – P200 libo; taxi/sedan – P120 libo; Motorsiklo – P6 libo at; P1 milyong tumataginting sa mga bus bukod pa sa pagka-impound ng mga mahuhuling sasakyan ng tatlong buwan.
Para sa akin, panahon na para mawala sa mga lanÂsangan ang mga colorum na lalo lamang nagpapasikip sa daloy ng trapiko.
Wala akong tutol sa mabigat na multa at parusa basta maipatutupad ng maayos ang batas. Dapat ding tiyakin na ang mga awtorisadong manghuli ng traffic violators ay hindi mangongotong. NangaÂngamba ako na baka ang bagong reglamentong ito ay pakinabangan lamang ng mga tiwaling traffic enforcers.
Dapat din sigurong bigatan din ang parusa sa mga pulis at iba pang may awtoridad sa trapiko na mahuhuling nangongotong.
- Latest