EDITORYAL - Piliin ang lider na lalabanan ang 3K
NOONG nakaraang Huwebes na ipinagdiwang ang ika-116 na anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas. Nang magsalita si President Aquino sa Naga City, sinabi niya na ang dapat piliing lider ng mamamayan ay lider na ipaglalaban ang interes ng mamamayan sa harap ng anumang hamon. Hindi raw kailangan ang lider na magaling bumigkas ng script, mahusay sumayaw o magaling kumanta.
May katwiran naman ang Presidente. Pero mas maganda kung dineretsa na niya na ang dapat piliing lider sa 2016 ay ‘yung kayang labanan ang 3K --- Kahirapan, Krimen at Korupsiyon. Ang tatlong ito ang mabibigat na problema ng bansa na hindi masolusyunan ng mga namuno sa bansa at maski si Aquino mismo.
Marami ang naghihirap. Sa kabila na sinasabi ng pamahalaan na umangat ang ekonomiya (7 percent umano) at nalampasan na ang mga kapitbansa sa Asia, hindi naman ito maramdaman ng mamamayan. Walang pagbabago sa kanilang buhay. May nagugutom, walang sariling tirahan, at marami ang walang trabaho. Sa kawalan ng trabaho, marami ang napipilitang mangibang bansa at nagtitiis mapalayo sa pamilya.
Talamak ang krimen. Araw-araw, maraming nangyayaring malalagim na krimen. Gumagala ang riding-in-tandem at walang awang pumapatay. Halimbawa na lamang ay ginawang pagpatay sa car racer na si Enzo Pastor noong Huwebes ng gabi sa Quezon City. Nakatakas ang mga salarin. Laganap din ang pangÂhoholdap, akyat-bahay, pagtutulak ng shabu at iba pang krimen na naghahatid ng takot sa mamamayan. Hindi maasahan ang Philippine National Police (PNP) na protektahan ang mamamayan sapagkat hindi sila visible sa kalye sa kalaliman ng gabi.
Matindi ang korupsiyon. Nabunyag ang malawakang katiwalian sa pork barrel fund na minaniobra ni Janet Lim Napoles. Nakawat ang P10-bilyon sa pork barrel fund. Tatlong senador, maraming mambabatas at government officials ang sangkot sa scam. Habang marami ang naghihirap, nagugutom at maysakit, ang pera ng taumbayan ay inuubos pala ng mga “hayok na buwaya’’. At walang nakaaalam kung kailan mapapanagot ang mga matatakaw.
Piliin ang lider na kayang labanan ang Kahirapan, Krimen at Korupsiyon. Magkaroon na sana ng aral ang mamamayan sa 2016!
- Latest