2 grupo ng Pilipino
NANG manood ako ng TV Patrol noong Martes ng gabi, napuna ko ang dalawang grupo ng Pilipino. Ang isang grupo ay nagsisigawa ng protesta laban sa Presidente ng US. Hangad ng grupo na makalapit sa US embassy para magsagawa ng protesta laban sa mga pagkakamali ng administrasyong Aquino at pang-aabuso ng US. Walang permit ang grupo, kaya hindi sila pinayagang makalapit ng mga pulis.
Nagpumilit pa rin ang mga nagpoprotesta, kaya binomba sila ng tubig. Pero nanindigan pa rin ang iba sa kanilang kinatatayuan. May mga teenager pa akong nakita sa mga hanay ng protester. Sa totoo lang, kahit sino pa ang nakaupo sa White House ay tiyak may dahilan silang magprotesta. Itinaon ang protesta sa pagdalaw ni President Barack Obama sa bansa.
Sa isang bahagi naman ng kalsada, napilitang tumabi ang mga Pilipinong seafarer na naghahanap ng trabaho. Dahil pinatabi sila, hindi nila nagawa ang paghanap ng trabaho, at naghintay hanggang sa matapos ang protesta. Kaya kinutya nila ang mga nagprotesta, na wala namang naitutulong sa bansa ang kanilang mga sigaw. Mga ipokrito pa nga raw ang protesters dahil kung mabibigyan sila ng pagkakataong makapagtrabaho sa US o sa ibang bansa, ay tatanggapin nila.
Hindi ito ang unang beses na tila hindi naiintindihan ng mga nagkilos-protesta ang ibig sabihin ng salitang perwisyo. Binabarahan nila ang kalsada kaya nagtatrapik. Maraming na-late sa kanilang mga trabaho at paaralan. Samantala sa isang panig ay ang mga nagsusumikap makahanap ng trabaho para maiahon ang kanilang buhay at buhay ng kanilang mga kapamilya. Dinadaan sa pagpila, hindi protesta. Hindi ba sila nga ang tinuturing na mga bagong bayani, dahil sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa? Isang grupo na puro reklamo, isang grupo naman na nais magtrabaho. Ang Pilipinong seafarer ay kilala sa mundo na hinahangad nang maÂraming kumpanya. Pero ganun nga, sila ang naperwisyo.
- Latest