MULA nang magkaroon ng internet, pinasukan kaagad ito ng mga negosyante dahil nakita ang potensiyal nito. Bagong paraan para makabenta ng mga kalakal, na hindi mo na kailangang umalis ng bahay. Piliin mo lang, bayaran sa pamamagitan ng credit card, at ipadadala na lang sa iyo. Walang trapik, hindi sayang ang oras sa biyahe, at kumpor-table ka pa sa sariling tahanan. Sa totoo nga, halos lahat ay mabibili mo na mula sa internet. Pagkain, kagamitan, damit, alahas, gamot at marami pa. Pero tulad na lang ng lahat ng bagay, napasukan na rin ito ng mga kriminal.
Noong Miyerkules, nasabat ng PDEA ang isang pakete na pag-aari ni Prabhjot Gill, isang Indian national, na naglalaman ng 500 tableta ng ecstacy. Binili umano ni Gill ang mga iligal na droga mula sa Netherlands sa pamamagitan lamang ng internet. Binebenta niya ang mga droga kung saan-saan. Kilala na nga siya na isang supplier ng ecstacy. Nahuli sa pamamagitan ng pagbenta ng droga sa isang taga-PDEA na nagpanggap na buyer. Ganito ang bagong pamamaraan para makapasok ng iligal na droga sa bansa. At nangangamba ang PDEA, dahil kahit sino ay makakabili nito, kahit saan man sa mundo.
Hindi nga naman lahat ng paketeng pumapasok ay masinsinang na-iinspeksyon ng post office. Sa dami nito, sigurado may nakakalusot. Hindi rin maiiwasang isipin na may kasabwat sa post office ang nagpapasok ng mga droga, para wala nang aberya. Kung malaking pera ang pinag-uusapan, tiyak may masisilaw. Hindi ko alam kung may paraan ang gobyerno para maharang ang pagbukas ng mga website na nagtitinda ng iligal na droga. Alam ko nagagawa ito ng ibang bansa tulad ng China. Inaalam na ng PDEA kung may paraan para matigil na ito.
Labing-walong taong gulang pa lang si Prabhjot Gill, kriminal na negosyante na at sira na ang buhay dahil sa iligal na droga. Maaaring hindi siya gumagamit, pero pinagkakakitaan naman niya ang pagiging miserable ng marami. Pinagkakakitaan niya ang mga buhay na kanya ring sinisira. Dapat lang masira na rin ang buhay niya. Ang mahirap, tila hindi balakid ang batas sa maraming sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga. Tila walang takot kahit may mga nahuhuli.