Pagtingin ng iba mahalaga sa tao

ISANG araw inatasan ng guro ang mag-aaral na kumuha ng tig-isang papel, ilista ang lahat ng kaklase, at sa tabi ng bawat pangalan isulat ang pinaka-magandang katangian na napansin dito. Inabot ng dismissal bell ang pagsumite ng kakaibang seatwork. Kina-Sabadohan, nilista naman ng guro sa tig-isang papel ang sinabi ng mga kaklase tungkol sa bawat isa, at nu’ng sumunod na Lunes ibinigay ito sa kinauukulang mag-aaral.

Bawat isa’y napangiti sa pagbasa ng anu-anong pagtingin sa kanila ng mga kaklase. Narining ng guro ang mga bulong na, “Totoo? Hindi ko akalain na may pumapansin sa akin” o “Hindi ko alam na natutuwa sila sa akin” o “nakakagalak na pinahahalagahan ako.”

Wala nang nabanggit tungkol sa seatwork hanggang matapos ang taon. Hindi alam ng guro kung pinag-usapan iyon ng mag-aaral.

Maraming taon ang lumipas, at napaslang sa labanan ang isa sa mag-aaral na nagsundalo. Dumalo sa burol ang guro, at napansing naka-aspili sa bintana ng ataul ang lukot na papel na sinulatan niya ng mga magagandang sinabi ng mga kaklase. “Kayo po ba si Ma’am Lourdes,” bulong ng ama ng sundalo. “Malimit niya kasi kayo ikuwento sa amin. Palaging nasa pitaka niya ang papel na ‘yan. Salamat at ginawa mo ‘yan.”

Dumating ang iba pang dating kaklase. Lahat napansin at binasa ang papel. Tapos, niyaya nila ang guro kumain. Sa restoran, inamin ng isa sa kanila, na noo’y mayamang negosyante na, na tinabi niya ang papel sa mesa sa opisina. Nang iwanan siya ng asawa para sa ibang babae, binalak daw niya magpatiwakal, pero nagbago ng isip matapos mabasa muli ang papel. Natawa ang isang kaklase, na naging serohano naman. Nakapaskel daw ang kanyang papel sa tabi ng diplomas sa klinik. Tuwing nalulungkot o nakikrisis ang buhay, binabasa niya ang papel, at gumagaan ang pakiramdam. Nagkuwento na rin ang iba. Lahat pala sila itinabi ang kanya-kanyang mahalagang papel; lahat sila binabasa ‘yon para mapawi ang mga agam-agam. Gan’un kabisa ang salita ng iba.

 

Show comments