Whistleblowers ayaw kay Binay
IDINADASAL daw ng mga whistleblowers sa P10 bilyon pork barrel scam na huwag sanang maging Presidente ng Pilipinas si Vice President Jojo Binay.
Takot daw silang mawalan ng saysay ang kanilang pagbubunyag sa anomalyang nabanggit na nagdadawit sa pangalan ng ilang mambabatas kasama sina Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile at Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Kaya daw nag-aapura ang mga whistleblowers na matapos na ang kaso sa loob ng termino ni Presidente Aquino at mahatulan ang mga tunay na nagkasala.
Magugunita na kamakailan ay tahasang kinuwestyon ni Binay ang kredibilidad ng mga whistleblowers. Natural lang na sabihin iyan ni Binay dahil ang mga nasasangkot sa anomalya ay kanyang mga kaalyado. Natural din na idepensa ni Binay ang mga pangunahing akusado dahil kaalyado niya. That’s how it is in politics. Kaya nga saan mang anggulo silipin ang kaso, talagang hindi mawawala ang kulay-politika rito.
Sabi ni Atty. Levito Baligod, abogado ng mga whistleblower, sa simula pa lamang ay minaliit na ni Binay ang mga isinagawang imbestigasyon at ebidensya kahit hindi pa nito nakikita ang mga affidavit at dokumento na kanilang isinumite.
Pero sa palagay ko, iyan mismo ang pupuntiryahin ng administrasyon: Ang madaling pagresolba sa kaso bago matapos ang termino ni P-Noy. Dahil kung hindi kaalyado ni P-Noy ang mauupong Pangulo sa 2016 na dalawang taon na lang mula ngayon, malamang ay mabaon na sa limot ang kaso.
Hindi nga ba mas malaking kaso ang sinuong ng noo’y Presidente Joseph Estrada alam na ng lahat na nakalaboso sa kasong plunder? Pero kalaunan ay pinalaya ni Presidente Arroyo si Estrada at muntik pang naging Presidente uli nang tumakbo sa pagka-Pangulo? At ngayon nga’y isa na namang may anghang na political figure si Erap matapos manalo sa pagka-mayor ng Maynila. Iyan ang hirap sa ating bansa. Sobra ang pamumulitika at nakakalimutan ang mga mas importanteng programa sa kapakanan ng bansa at mamamayan.
- Latest