Sayang na kanin
BUKOD sa cyberpornography at riding-in-tandem na mga kriminal, mainit na isyu rin ngayon ang smuggling ng bigas. Bilyong piso ang nawawala sa gobyerno sa mga iligal na pag-angkat ng bigas. Tone-toneladang bigas na napakahalaga sa hapag-kainan ng bawat Pilipino ang nakakapasok sa bansa nang hindi nababayaran ang tamang buwis. May sindikato nga o cartel ng bigas sa bansa, na pinamumunuan ng ilang big-time na smuggler, kasama na ang sikat na si “David Tanâ€. Hindi pa nga matukoy kung sino ang “David Tan†na ito, at kung tunay na tao nga o alyas lamang. Ilang suspek ang tinukoy ng NBI, at ang napipisil ay isang nagngangalang Davidson Bangayan. Naimbitahan na sa Senado at iniimbestigahan ng NBI kung siya nga ang “King of Rice Smuggling†sa bansa.
Pero kung maraming bigas ang nakakapasok sa bansa nang hindi bayad ang tamang buwis, napakarami rin ang nasasayang. Ayon sa tala ng Philippine Rice Research Institute (PRRI), tatlong kilong kanin sa bawat Pilipino ang natatapon taun-taon. Tinatayang P23 milyon araw-araw, o P6 hanggang P8 bilyon taon-taon ang natatapon na kanin. Malaking halaga iyan.
Totoo nga na hindi nasisimot ang kanin na madalas kasama ng mga ulam. Iba-iba ang dahilan. Kulang daw ang ulam kaya hindi na nasisimot ang kanin. Ang iba, hindi talaga malakas kumain ng kanin pero dahil isang tasa kaagad ang kasama, hindi nila nauubos. Ang iba, takaw-mata. Ang iba, naka-diyeta at ang iba ay walang pakialam kung hindi maubos o kaya ay maarte lang. Hindi rin nakakatulong ang mga “eat all you can†na kainan at siguradong kanin ang matitira kung sakali. Ayaw namang ipabalot ang mga tira.
Sinanay kami ng aming ina na huwag magsayang ng pagkain, kaya lahat ng aming tira, kung meron man ay pinababalot namin. Tinatapon lang naman kasi ang mga tirang ito at hindi puwedeng ipamigay sa tao. Madalas sa kanin-baboy na lang napupunta. Mabuti pa ang baboy hindi nagsasayang, ano? Kaya sa kabila ng nagtataasang presyo ng bigas kung saan marami na ang nagrereklamo, walang dahilan para magsayang ng bigas. Tanggalin na ang mga “ eat all you can†na kanin, at kunin lang ang kayang ubusin. Magbigay na lang ng konting kanin sa umpisa, at hindi isang tasa kaagad. Kung kulang, kumuha na lang ulit. Kailangan nang matukoy ang pag-aaksaya nito. Isipin na lang na marami pa rin sa ating mga mamamayan ang nagugutom. Kung napupunta na lang sana sa kanila ang tone-toneladang sinasayang na kanin.
- Latest