EDITORYAL - Perpekto na sa susunod
INAMIN ng gobyerno na naging mahina sila sa pagbibigay ng tulong sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda. Sinabi ni Press Secretary Herminio Coloma sa press con noong Huwebes na tinatanggap nila ang mga kritisismo mula sa foreign journalists sa pagbibigay ng relief operations. Ayon kay Coloma, ang mga puna ang nagturo sa kanila para maging perpekto na ang pag-ayuda nila sa mga taong nabiktima ng kalamidad gaya ng nangyari sa Leyte at Samar at iba pang lugar sa Visayas Region. Napuruhan ang Tacloban sapagkat dito nag-landfall si Yolanda. Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) nasa mahigit 2,000 na natatagpuang patay sa pananalasa ni Yolanda noong Nobyembre 8. Maaaring umabot umano sa 2,500 ang mga namatay. Inilibing na sa isang mass graves ang mga bangkay noong Huwebes.
Kung hindi pa binatikos ng CNN at BBC ang ma bagal na pagbibigay ng relief goods ay hindi mamumulat ang gobyerno. Saan naman nakakita na pagkalipas pa ng anim na araw saka lamang nagkukumahog ang gobyerno para mahatiran ng pagkain, tubig, gamot at damit ang mga biktima. At kumilos lamang sila makaraang bugbugin ng foreign media. Saka lamang inatasan ni President Aquino ang kanyang Cabinet na magtrabaho. Siya na ang namuno sa pagbibigay ng assignment sa mga miyembro ng Cabinet. Paano kaya kung walang foreign media na bumatikos sa pamahalaan? Baka hanggang ngayon ay wala pang dumarating na tulong? Katwiran ng pamahalaan, wala raw madaanan ang mga magdadala ng tulong kaya hindi agad nahatiran ang mga biktima. Marami raw sagabal sa pagdadala ng tulong.
Pero ang pangako ni Coloma, sa susunod daw ay magiging perpekto na ang gobyerno sa pag-response sa mga biktima. Ibig sabihin ni Coloma, sa sunod na paghataw ng bagyo ay agad na silang makakaayuda.
Taun-taon, nasa 20 bagyo ang humahataw sa bansa. Kailangan pa bang maging mabagal sa pagtulong gayung lagi nang dinadalaw ng bagyo ang bansa. Pero mabuti na rin at kanilang inamin ang kahinaan sa pagtulong. Sana, sa susunod ay hindi na sila makupad.
- Latest