Napuruhan ang Samar at Leyte

Hindi ko talaga maintindihan ang ibang tao. May tumatawag at nagtetext sa aming himpilan, at nagrereklamo kung bakit sa tindi ng mga babalang inilabas ng PAGASA sa bagyong Yolanda, bakit parang ordinaryong tag-ulan lang daw? May mga nagsasabi pa na tinakot lang daw sila ng gobyerno, at sayang daw ang kanilang paghahanda at pamimili ng mga kagamitan para sa parating na bagyo. Ang sabi ko naman, anong masama kung mahina lang naman pala ang naramdaman nilang epekto ng bagyo? Sabihin kaya nila iyan sa mga taga-Samar at Leyte, partikular sa Tacloban na ayon mismo kay Ted Failon ay tila nabura na ng “storm surge” ang lugar. Walang kuryente at komunikasyon sa malaking bahagi ng Visayas.

Ano ang gusto nilang mabasa o mapanood sa TV? Mga katawan sa ibabaw ng mga puno? Mga sasakyang binaliktad ng bagyo? Mga bahay na tinangay ng malakas na hangin? Mga alon na kasintaas ng mga gusali? Mga barkong sumadsad sa siyudad dahil sa hangin at alon? Hindi pa lubusang pumapasok ang lahat ng balita mula sa mga napuruhan talaga ni Yolanda katulad ng Samar at Leyte dahil sa kawalan ng kuryente at komunikasyon, pero ang mga unang pumasok na balita ay matindi ang paghagupit ng bagyo sa kanila. Makikita rin natin ang kabuuang epekto nito sa mga susunod na araw.

May paliwanag naman ang mga dalubhasa kung bakit mas matindi pa ang danyos na idinulot ng mga bagyong Ondoy, Pablo at Sendong sa mga ibang lugar na tinahak ni Yolanda. Si Yolanda, bukod sa malakas ang dalang hangin at ulan ay mabilis din ang takbo. Ang itinalang takbo ni Yolanda ay nasa 40 kada oras. Mabilis iyan para sa bagyo. Wala pang 24 na oras ay nakalabas na si Yolanda sa bansa.

Sa mga hindi nakaramdam ng hagupit ni Yolanda, magpasalamat na lang sa halip na magreklamo. Dahil sa magandang paghahanda, zero casualty sila. Pero tandaan na may mga apektado pa rin ang bagyo, na sa ngayon ay nangangailangan na ng tulong nating lahat. May mga lugar na hindi na madaanan, walang kuryente at walang komunikasyon. Huwag na sanang sabihin na mas grabe ang ganito o ang ganung bagyo. Humagupit ang Yolanda at may mga dumapang siyudad at lalawigan, at marami pa rin sa ating mamamayan ang apektado.

Show comments