Bilib ako kay Pope Francis!
SINUSPENDE ni Pope Francis si German Bishop Franz Peter Tebartz-van Elst, ang kilalang “Bishop of Bling†ng Limburg dahil sa kanyang marangyang pamumuhay na hindi sang-ayon sa mga turo ng simbahang Katolika. Ang nasabing bishop ay nakatira sa isang bahay na $42 milyon ang halaga, kasama na ang bathtub na $20,000, mga muwebles na nagkakahalagang kalahating milyong dolyar at hardin na umabot ng higit isang milyong dolyar! Talo pa yata niya mamuhay ang pangulo ng ilang bansa sa mundo! Isipin ninyo na lahat iyan ay pera ng simbahan, na pera rin naman na galing sa tao! Pamilyar ba ang sitwasyon?
Inulan ng batikos ang tahanan ng obispo. Napakalayo sa pamumuhay at adbokasiya ng bagong Santo Papa, na mas pinili tumira sa isang simpleng guest house sa Vatican, imbis sa nakasanayang palasyo ng mga Santo Papa. Segunda manong sasakyan pa ang gamit at hinihikayat ang lahat ng pari na mamuhay ng simple. Dadaan sa imbestigasyon ang nasabing obispo, at ang usapin ay baka ipadala sa Africa para maturuan muli nang pagiging mapagkumbaba. Hindi ko lang alam kung kakayanin pa ng obispo ang mahirap na pamumuhay. Baka tuluyan nang iwanan ang pagiging pari!
Naaalala ko tuloy ang isyu ng mga bagong Pajero o Montero na ibinigay sa ilang pari sa bansa. Inabot din ng batikos ang nasabing sasakyan, na hindi naman dapat para sa isang mahirap na bansa tulad ng atin, at sa pari pa. Pero may mga nakatikim na kasi nang masarap at mayamang pamumuhay. Kaya pati sa pagiging pari ay kailangang marangya rin. Malinaw na hindi puwede kay Pope Francis ang ganyang kaugalian.
Ang turo ni Hesus ay kung gusto mong mamuno, kailangan mong manilbihan. Hindi ang ikaw ang sisilbihan, sa mala palasyo mong tahanan, habang naliligo ka sa gatas o kung saan pa. Hindi ko alam kung bakit nakapasa ang budget para sa ipinagawa niyang tahanan. Baka naman sa simbahan ay may mga operator din ala-PDAF scam ng Pilipinas!
- Latest