NAPAG-UTUSAN lang. Nag-remit lang kami ng pera, hindi namin alam kung saan ginamit. Wala akong kinalaman. Trabaho lang. Ito ang mga naririnig nating mga tila paghuhugas ng kamay o pagtanggol sa sarili ng mga kinasahan na ng pandarambong hinggil sa Malampaya fund scam, kung saan ang mga pe-rang kinita ng Malampaya gas fields ay napunta lamang sa mga bogus o pekeng NGO. Sinampahan na ng kasong pandarambong ang 22 tao kaugnay sa nasabing scam. Ayon sa isang batas na ginawa noong panahon pa ni President Marcos, ang mga pondo mula sa Malampaya gas fields ay dapat gamitin sa mga proyektong may kinalaman sa enerhiya ng bansa, at ang paghahanap ng mga maaaring panggalingan ng enerhiya. Pero sa iba umano ginamit ni Arroyo ang daang milyong pisong pondo. Kasama sa mga sinampahan ng kaso ay si dating President Gloria Arroyo, dating Executive Secretary Eduardo Ermita, dating Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman, dating Budget Secretary Rolando Andaya Jr. at marami pang ibang miyembro ng Gabinete ni Arroyo. Kasama si Janet Lim Napoles sa kaso bilang utak sa likod ng mga pekeng NGO na tumanggap ng mga pondo.
Magkakaroon sila ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte, dahil sinampahan na ng kaso. Kaya maghihintay na lang tayo ng mga balita hinggil diyan. Pero wala na bang katapusan ang rebelasyon ng iba’t ibang klaseng pamamaraan umano ng pagnakaw sa kaban ng bayan? May mauungkat pa kayang scam diyan na hindi pa nasisiwalat? Parang napakadaling gatasan ang pera ng bansa kapag marami kang kasapakat, hindi ba? At kung may alam ka sa mga proseso kung paano mailalabas ang pera nang walang magtataas kaagad ng kilay.
Ang palagi ko namang itinatanong, ay kung talagang magpupursigi ang gobyerno sa paglilitis ng mga kasong ito. Alam naman ninyo ang panahon, may posibilidad na mabaon na lang sa limot lahat, lalo na kung kasangga na ang susunod na administrayon kung sakali, hindi ba? Magandang pakinggan na sinasampahan na ng mga kaso. Pero mas maganda kung may mangyayari sa mga kaso. Katulad na lang ng Maguindanao massacre. Apat na taon na, tila wala pa talagang makabuluhang nangyayari kundi unti-unting namamatay na ang mga testigo. Ang ZTE-NBN na kaso, may nangyayari ba? Fertilizer Fund scam, may balita ba? Swine scam? May narinig na ba kayo sa mga ito kailan lang?