^

PSN Opinyon

‘Sariling diskarte’ (unang bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

TUMAWID sa kalagitnaan ng kalsada ang isang matandang babae. Nag-menor at pumreno ang drayber subalit nasapul pa rin ito ng kanang ‘windshield’ ng sasakyan.

“Pare… yung Ale!”sigaw ng inspektor ng bus at mabilis na bumaba.

Pilit tumatayo subalit sumusuka na ng dugo si Soledad Gutierrez ng babain ni Rodolfo “Rudy” Padlan, 43 anyos, inspektor ng mga bus sa RoroBus Transport Services, Inc. 

Nahampas ang mukha ng matanda sa windshield ng bus. Sumirit ang dugo at kumalat sa salamin sabay lumagpak at gumulong sa kalye.

Halos isang taon ng inspektor ng RoroBus, San Carlos Terminal si Rudy.

Dati siyang kunduktor ng Jack Liner sa Cubao. Siyam na taon ang tinagal niya rito hanggang sisantehin matapos daw mag-refund ng pamasahe ng isang pasahero galing sa bagong sakay na biyahero (palit-pato kung kanyang tawagin).

Ayon kay Rudy, pinaalam niya sa inspektor ng Jack Liner ito subalit ilang araw makalipas nilabasan siya ng memo at binigyan ng 30 days Preventive Suspension. Matapos masuspende tinanggal din siya.

Nagkademandahan sina Rudy at dating kumpanya sa National Labor Relations Commission (NLRC) at naibalik ang kanyang cash bond at incentives.

Naghanap muli ng trabaho ni Rudy. Nirefer siya ng mismong O­perations Manager ng Jack Liner sa RoroBus, Sampaloc Terminal. Agosto 2012, nag-apply si Rudy bilang inspektor. Ika-6 ng Setyembre 2012 siya natanggap.

Sa Terminal ng RoroBus sa San Jose, Oriental Mindoro siya tinalaga. Siyam na oras ang pasok ni Rudy. First shift, mula 5:00AM-2PM. Ang ruta ng mga bus, San Jose-Cubao o San Jose-Sampaloc.

Hihintayin ni Rudy ang ‘last trip’ ng Sampaloc pa Rojas, Mindoro. Pagdating ng bus saka siya sasampa. “Bibilangin ko ang mga tickets at ulo ng pasahero dapat magtugma,” pahayag ni Rudy.

Nakaka-tatlo hanggang apat na lipat ng bus si Rudy sa loob ng isang araw. Depende na lang daw kapag holiday, doble ang bilang ng sampa niya.

Ayon kay Rudy, sa loob ng labing isang buwang pagtatrabaho sa RoroBus tatlong aksidente na ang naaktuhan ni Rudy…tiyempong nakasakay siya sa Bus.

Una nung buwan ng Pebrero 2013, nabangga ng isa nilang bus ang isang van… bandang 9:00 ng umaga—habang paluwas sila ng Maynila. Nasira ang kaliwang ilaw ng Van. Hindi na daw nakarating sa opisina ang nangyaring insidente. Drayber ng bus at drayber ng van na lang ang nag-usap.

Abril 2013, tanghaling tapat habang nag-iinspeksyon si Rudy sa isang Bus ng RoroBus nag-‘overtake’ naman ang drayber sa isang traysikel na may sakay ng walong senior citizens sa kurbadang daan.

Hindi naman daw nahagip ang traysikel subalit sa lakas ng ha­nging dala ng bus nagulat ang drayber ng traysikel at nabalentong ito papunta sa damuhan.

“Mabuti walang nasaktan sa mga sakay. Yung isang matanda ‘di lang nakahinga pero umayos din agad ang lagay,” pagbabalik tanaw ni Rudy.

Dahil kasalanan ng drayber kung bakit nangyari ang aksidente siya ang pinagastos ng lahat ng sira ng traysikel.

Lahat ng mga insidenteng ito, bilang inspektor ng bus inililista daw ni Rudy sa kanyang ‘logbook’ maliban sa pinaba-blotter sa pulisya.

Nitong huli, ika-8 ng Hulyo 2013, habang bumabiyahe ang bus na sinampahan ni Rudy. May Plakang UVT 990, Body No. 308  papuntang Maynila, nasa Naujan, Oriental Mindoro pa lang sila nahagip nito ang matandang babaeng nasa gitna ng daan… noo’y patawid.

Palapit pa lang daw ang bus sa babae, sinabihan na niya ang drayber-konduktor (dry-kon) na si Joselito Castro na may taong patawid subalit huli na…sapul na ang ginang.

Mabilis na pumalibot ang mga taong taga barrio Naujan at naki­usisa.

“Ako na baba… d’yan na lang kayo baka dumugin tayo,” ani Rudy.

Naabutan niya ang biktima na si Soledad na duguan at sumusuka na ng dugo. Sa unang tingin alam ni Rudy na sa ulo ang tama ni Soledad kaya’t nagsisigaw na ito. “Tumawag kayo ng traysikel paki takbo na siya sa ospital!”

Dinala si Soledad sa Naujan Community Hospital at nilapatan ng paunang lunas. Sumunod si Rudy. “Mauna na ako sa ospital. Susunod na lang ako sa pulisya,” utos ni Rudy sa drayber at konduktor(dray-kon) na si Romano Rint.

Nasa emergency room si Soledad ng kanyang abutan. Sinabihan daw siya ng doktor na ilipat ito sa ibang ospital na kumpleto ang mga gamit.

Nagtanong siya kung anong ospital pwedeng dalhin at itinuro siya sa Ma. Estrella General Hospital kaya dun niya inilipat si Soledad. Pinayuhan na ipa-CT Scan ang matanda sa lalong madaling panahon.

Kinailangan ng mga gamot ni Soledad at bayad sa mga laboratoryo.

Hindi malaman ni Rudy ang gagawin. Pinarating na niya sa HR Manager na si Henry Madarang at Operations Manager Joselito Suelto ang sitwasyon para maiparating sa pinakamataas subalit wala siyang siguradong sagot sa kung paano mabibigay ang pangangailangan ng pasyente.

“Basta sabi nila ‘wag pabayaan ang pasahero,” wika ni Rudy.

Naisip ni Rudy na kunin sa koleksyon ng pamasahe ng bus ang unang Php9,000 na kailangan ni Soledad. Alam naman daw ito ng taga ‘finance’ ng opisina na si Liza Padros.

Sabi ni Rudy, sa kanya na rin umano pinagkatiwala ang pag-ayos sa nabangga ng bus. Sa katunayan, binigyan siya ng ‘authorize letter’ ng RoroBus, Batangas Branch Office na kanyang ipinakita sa amin.

Nakalagay dito na: This is to authorize the bearer, Mr. Rodolfo Padlan to transact for and in behalf of RoroBus Transport Ser­vices, Inc., regarding the case of bus body number 308 with plate number UVT 990. Mr. Padlan is currently assigned as Inspector in Mindoro Occ.

Given this 9th of July 2013, in Batangas City for whatever legal purpose it may serve him best. ---ito ay pirmado ng presidente, Vicente C. Montenegro Jr.

Nagpatuloy ang gamutan kay Soledad. Kinailangan niyang uminom ng mga gamot para sa utak dahil sa ‘trauma’ na tinamo.

Base sa kopya ng Cranial City Scan Report na dala ni Rudy, nagkaroon ng hematoma o pamumuo ng dugo at pamamaga ng anit sa iba’t ibang bahagi ng ulo.

“Mahal ang gamot niya siyempre lahat yun sa utak,” ayon kay Rudy.

Kada hingi ng pera ng anak ni Soledad na si Lamberto siyang bigay naman ni Rudy. Kinuha niya ang pera sa bus kung saan siya natataong nakasampa…sa walong units ng RoroBus.

ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa Biyernes. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.  (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Sa gustong dumulog magpunta lang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Cellphone Nos. 09213263166 (Chen), 09213784392(Carla), 09198972854 (Monique). Landline Nos. 6387285 / 7104038. Bukas kami Lunes-Biyernes.

 

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

BUS

ISANG

JACK LINER

LANG

RUDY

SIYA

SOLEDAD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with