Banggaan na naman sa dagat

SA Pilipinas lang ba nagaganap ang banggaan ng dalawang malalaking barko? Isang pampasaherong barko at isang cargo ship ang nagbanggaan sa karagatan malapit sa Talisay City, Cebu noong Biyernes ng gabi. Habang sinusulat ito, 25 na ang patay at higit 30 ang nasaktan. Patuloy ang pagsagip sa mga ibang pasahero. Base sa unang imbestigasyon, ang cargo vessel umano ang bumangga sa pampasaherong barko. Ayon sa isang pasahero, nakatayo siya sa labas nang marinig ang busina nang paulit-ulit ang kanilang barko, bago naramdaman ang malakas na pagyanig. Nakakuha raw siya ng life vest bago tumalon sa dagat.

Ano na naman kaya ang magiging resulta ng imbestigasyon? Sino ang nagkulang? Sino ang hindi gumanap ng kanyang tungkulin? Sino ang naging pabaya at kampante, dahil “malaki naman ang dagat”? May nakatulog bang kapitan? Ito ang mga aalamin ng mga imbestigador para mapaliwanag kung bakit may nagbanggaan na naman! Ewan ko, pero kulang ba ng pagsasanay ang ilang mga mandaragat? O kulang ng modernong kagamitan ang barko? Kung kulang nga ng kagamitan, hindi ba’t mas mahalaga na may mga taong nakadestino sa labas ng barko para matanaw at mabantayan ang dagat? Alam ko may mga ilaw dapat ang mga barko kapag lumalayag ng gabi. Dapat nakita ang mga iyan, malayo pa lang, kung may mga taong nagbabantay.

Ang Pilipinas pa rin ang nasa unang puwesto pagdating sa mga masasamang aksidente sa karagatan sa panahon ng kapayapaan. Ang paglubog ng MV Doña Paz matapos makabanggaan ang oil tanker M/T Vektor sa Tablas Strait kung saan 4,300  ang namatay noong 1987 ang numero uno sa mundo. May ilan pang mga banggaan sa Pilipinas ang nakalista rin, bukod sa mga lumubog dahil lumayag habang may bagyo. Hindi ba nakakahiya ang karangalang ito? Hindi ba ito masama para sa industriya ng karagatan ng bansa, kung saan malaki ang inaasa dahil sa dami ng ating mga isla? Mahalaga ang pagbiyahe ng mga tao at kalakal sa mga isla, kaya dapat lang ay ligtas ang paglayag ng mga barko. Ito ang kailangang matukoy ng mga kaukulang ahensiya tulad ng DOTC, PCG at Marina. Kung gumaganda na ang estado ng ating industriyang himpapawid, kailangan pati sa karagatan ay gumanda at maging ligtas rin. Kung kayang suspindihin ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang isang airline dahil sa paglabag sa mga patakarang kaligtasan, dapat ganun din ang Marina, DOTC o PCG.

 

Show comments