Piloto ba?
PATULOY pa rin ang imbestigasyon sa bumagsak na Asiana Airlines Boeing 777 noong Sabado sa San Francisco International Airport kung saan dalawang pasahero ang namatay. Naglabas na ng ilang pahayag ang kompanya sa publiko. Iginiit na wala raw diperensiya ang nasabing eroplano. At tunay nga na maganda ang rekord ng Boeing 777 sa 18 taong ginagamit ang modelong ito. Ang sumunod na pahayag ang nagiging sentro ng imbestigasyon ngayon. Ang piloto na nagpalipad ng Flight 214 ay nagsasanay pa raw sa ganitong modelong eroplano, bagama’t beteranong piloto na raw na may higit 10,000 oras nang nagpapalipad. Sa madaling salita, beteranong piloto pero 43 oras pa lang ang naitatala sa Boeing 777. Kaya opinyon ng iba ay hindi pa niya masyadong gamay ang eroplano, pati kung paano ilapag sa nasabing paliparan sa San Francisco.
Sa isang amateur video na lumabas na sa media, kitang-kita na nakatingala ang harap ng eroplano, at tila pinilit na hindi ituloy ang paglapag, pero tumama na ang buntot nito sa pader o mga bato sa dulo ng runway. Tuluyang humampas at umikot ang eroplano, at nang huminto ay lumiyab na. Ayon din sa mga sanay nang bumiyahe na pasahero ay alam na nila na may kakaiba o problema sa paglapag ng eroplano. Parang masyadong mabagal daw kaya naghanda na sila para sa pagbagsak nito.
Ayaw pang sabihin kung ang piloto nga ang nagkamali kaya tumingala ang eroplano, pero marami na ang nagsasabi na masyado pang maikli ang 43 oras na naitala lang ng piloto sa 777 para hawakan nang husto ang eroplano. Ayon naman sa kumpanya, may kasamang “check pilot†naman daw sa kanyang tabi. Siguradong magbabago na ang mga patakaran hinggil sa mga pilotong nagsasanay pa sa isang uri ng eroplano. Kailangan talaga ang pagsasanay sa kahit anong propesyon – doktor, nurse, piloto – pero pagsasanay na may nakatutok na beterano na, para mabantayan ang lahat ng kilos. Hindi pa alam kung bakit hindi naitama ang anumang mali ng piloto, kung meron man, ng nasabing check pilot. Malalaman din lahat iyan kapag nakuha at nasuri ang mga cockpit voice at flight recorder ng eroplano. Huwag naman sana piloto ang nagkamali at katulad nga ng nangyari rito, buhay ng mga pasahero ang dala-dala nila.
- Latest