Madalas maligo, maglinis, pero...

LIKAS bang marumi ang Pilipino?

Ilang beses na’ng nangyari sa iyo na, sa pagbisita sa bahay ng kamag-anak o kaibigan, nakigamit ka ng kubeta, at ang sagot ng maybahay ay, “Sandali lang, titingnan ko kung malinis, nakakahiya naman”?

Ilang maybahay na ang nakita mo’ng masipag na nagwawalis ng loob at ng bakuran, tapos tinatapon naman ang basura sa kalsada o katabing bakanteng lote?

Ilang kakilala na ang napansin mo’ng malimit maligo at magpabango, pero mabantot naman at kinukuto ang alagang aso?

Ilang tao na ang nakita mo sa sasakyan o lansangan na nagtatapon ng sigarilyo o balat ng prutas o balot ng candy sa sahig?

Ilang tsuper na ng bus, jeepney, o tricycle ang napansin mo’ng nakasuot ng madungis at nangangamoy imburnal?

Hindi totoo ang pananaw na malinis ang Pilipino sa katawan, bahay, at kapaligiran. Depende ito sa tao -- kung dumaan sa tinatawag na character education sa grade school. Merong mga hindi naturuan ng tamang gawi, at sila ang nagkakalat ng sakit at salot.

Ihalimbawa ang mga nakatira sa gilid ng ilog at estero. Maging mayaman o mahirap, marami sa kanila ang basta lang nagtatapon ng basura sa daluyan ng tubig. Ito ang nagbubunsod ng pagbabara at baha tuwing umuulan.

Ihalimbawa rin ang mayor ng Bontoc, Mountain Province. Pinababayaan niyang magtapon ng basura sa Chico River ang garbage trucks na pag-aari mismo ng munisipyo. Pinatigil na siya ng Court of Appeals noon pang Pebrero, pero patuloy pa rin ang pagka-salaula.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

 

Show comments