Ang resibo
NANANAWAGAN ang Malacañang sa publiko na ire-port sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga establisimentong hindi nag-iisyu ng resibo. Ito ay kaugnay ng pinaigting ng kampanya ng BIR na mapataas ang revenue collection.
Tama naman iyan. Kailangang masupil ang pandaraya ng ilang commercial establishments sa kanilang ibinabayad na buwis. Kapag walang inisyung resibo, mangangahulugan na mas maliit ang idideklara nilang kita at mas mababa ang buwis na babayaran.
Kaya kung magpapakarga ka ng gasoline, tatanungin ka ng gasoline boy kung kailangan mo nang resibo. May mga kababayan tayong magsasabi ng “huwag na.†Hindi alam ng mga taong ito na paborableng sa gasolinahan na huwag kunin ng nagpakarga ang resibo. Nagiging bahagi tuloy ang customer sa pandaraya.
‘Yung mga ganyan ay puwede po nating i-report ‘yan sa BIR,†ani Presidential Spokesperson Abigail Valte. Alam ba ninyo na hindi lamang sa Divisoria nangyayari ang hindi pag-iisyu ng resibo kundi kahit sa malalaking shopping malls tulad ng Greenhills Shopping Center.
Sa iba’t ibang paraan, ginagamit sa pandaraya ang resibo na puwedeng pumabor din sa kliyente. Karaniwan, yung mga nangangailangang magpa-liquidate ng expenses sa kanilang opisina ay manghihingi ng blankong resibo para ideklarang gumastos sila ng malaking halaga maski hindi naman pala. Nararapat lang talaga na repormahin ang sistema upang maiwasan na ang ganyang mga pandaraya.
Magugunita na kamakailan ay nagpalabas ng mga bagong reglamento ang BIR tungkol sa pag-iisyu ng resibo na binatikos ng maraming negosyante at tinawag na “dictatorial.†Nagtakda ng maagang deadline ang BIR sa paggamit ng mga lumang resibo, bagay na tinutulan ng mga negosyante.
Kesyo malaki na raw ang nagastos ng mga kompanya sa pagpapa-imprenta ng dating resibo kaya pinalawig ng BIR ang pag-iimprenta ng bagong resibo.
- Latest