EDITORYAL - Nakamamanghang paglago ng ekonomiya
NOONG nakaraang Abril, nagbigay ng forecast ang Moody’s Analytics sa ekonomiya ng bansa para ngayong taon 2013. Ang sabi sa report ng Moody’s na may title na “Philippines Outlook Asia’s Rising Starâ€, ang ekonomiya raw ng bansa ay lalago ng 6.5 hanggang 7 percent ngayong 2013 at magpapatuloy pa hanggang 2016.
Aba, nagdilang anghel yata ang Moody’s sapagkat isang buwan lang makaraang mag-forecast ay eto at pumalo na sa 7.8 percent (unang quarter ng taon) ang paglago ng ekonomiya ng bansa. Mabilis ang paglago sapagkat nilampasan pa ang China at iba pang bansa sa Asia. Ang China ay umangat ng 7.7 percent sa unang quarter ng taon. Ang Indonesia ay 6 percent; Thailand, 5.3 percent at Vietnam, 4.9 percent.
Nakamamangha ang mabilis na paglago ng ekonomiya. Maski si Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan ay hindi makapaniwala sa mabilis na paglago ng kabuhayan. Ang paglago ay binabase sa Growth Domestic Product (GDP) ng bansa, value ng goods at services na pino-produced ng ekonomiya.
Ayon sa report, ang mabilis na paglago ng ekonomiya ay dahil na rin sa maayos na paggastos ng gobyerno. Mahusay din daw ang pamumuno at pamamahala kaya marami nang investors ang nagtitiwala sa kasalukuyang gobyerno.
Nakamamangha na pinakamabilis ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. Noong nakaraang taon, 6.6 percent ang inangat nito at marami rin ang namangha. Agad namang ipinagmalaki ni President Aquino ang mabilis na paglago. Hindi raw ganun ang inaasahan niyang paglago na nalampasan pa ang inaasahan.
Napakaganda ng balitang nagpapatuloy ang paglago ng ekonomiya. Sino ang hindi masisiyahan dito. Kaya lang, habang maraming pinuno ng pamahalaan ang natutuwa, nagtataka rin naman ang mamamayan kung bakit hindi pa nila maramdaman ang pag-unlad ng ekonomiya. Mataas pa rin ang bilihin, patuloy ang pagtaas ng gasolina, at hindi bumababa ang pasahe. Marami rin naman ang walang trabaho at may nagugutom pa rin. Kailan madarama ang paglago ng ekonomiya?
- Latest