^

PSN Opinyon

‘Pre, sino da best?’ (unang bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

SA LOOB ng isang kubong dinadayo ng mga taong gustong magpainit ng tiyan. Gumuhit ang talim ng kutsilyo, kumalampag ang mga kawa… humalo ang dugo sa puting kanin…

“Pinukpok nila ng takip ng kaldero ng lugaw ang ulo ng anak ko at saka tinagasan…” pagsasalarawan ni Lily.

Hindi inasahan ng mag-asawang Eulalia o “Lily” at Francisco “Francis” Rojas ng General Trias, Cavite na mula sa lugawan ni ‘Boyong’ sa Pasong Camachile I uuwi ang bunso nilang si ‘Jerick’ na unat na ang mga paa.

“Nawala ako sa sarili… hinintay ko na lang ang bangkay niya ilapag sa garahe. Dun ako nagising!” pagbabalik tanaw ng ina.

Parehong tubong General Trias sina Lily at Francis. Dito na halos lumaki ang mga anak maliban sa bunsong si Jerick, 19 na taong gulang.

Taong 1996, mula ng mahinto si Francis sa pagsa-‘Saudi’. Pagtitinda ng isda sa Bangkal Market, Makati ang kanilang kinabuhay. Nagsimula silang mangupahan. Sa Maynila na nakapagtapos ang dalawang nilang anak. Si Jerick naman kumuha ng kursong Electrical Engineer sa Technological University of the Philippines (TUP).

Bihirang umuwi sa Camachile ang pamilya Rojas subalit kapag bakasyon dito namamalagi ang magkakapatid.

Marso 2011, pagkatapos ng klase tumuloy na ng Cavite si Jerich. Pagpunta sa ‘gym’, basketball at paglalaro ng computer kasama ang mga pinsang si Jearome Aspuria, 26 anyos at Mark Vien Madlangbayan, 19 anyos ang  hilig daw ni Jerick.

“Tiwala ako sa anak kong yan, hindi naman kasi yan nagbabarkada sa mga pinsan lang niya siya sumama…” ayon kay Lily.

Ika-22 ng Mayo, parehong taon… bandang 1:00 ng umaga, nakatanggap ng tawag si Lily sa anak na si Jaylyn. “Nay, si Jerick…nasaksak!” panimula nito.

Hindi na nakaimik ang ina, mabilis silang umuwi ng asawa sa Cavite, sa Divine Grace Hospital. Hindi pa nakakapasok sa loob, lumabas na ang anak at umiling-iling, “Nay… mukhang kailangan nating ilipat ng ospital si Jerick!”

Gustong tignan ng mag-asawa ang lagay ng anak subalit pinangunahan sila ng takot… “Alam kong agaw buhay na siya…” wika ni Lily.

Hindi nagawang silipin ng mag-asawa ang anak. Umuwi na sila, nagdasal at naghintay. “Nakita ko na lang siyang binuhat sa bahay…nasa kabaong,” pahayag ni Lily.                

Kinuwento ng pamangkin ni Lily na sina Mark at Jearome ang nangyari ng gabing iyon. Nahirapan tanggapin ng ina ang sinapit ng anak, halos bingi siya sa kuwento nila Mark subalit nanaig sa kanya ang paghanap ng hustisya.

Pumunta sila sa pulis para magsampa ng kaso laban sa magpinsang Jervy at Rommel Carampot, Aljhon Mendoza at Arjay Descalso, taga Brgy. Santiago.

Base sa naunang salaysay ni Mark sa pulisya ng General Trias, Cavite na kanyang ibinigay kay PO2 Brendo Tamayo Lllanda, ika-22 ng Mayo 2011, 09:30AM, saksi ang kanyang magulang na si Angelo Madlangbayan dahil menor de edad siya ng mangyari ang krimen (17 anyos):

Humigit kumulang 12:00 ng gabi, nasabing petsa nagpunta silang magpipinsan sa Brgy. Pasong Camachile sa Lugawan ni Boyong upang kumain ng lugaw. Pumasok sila ni Jearome sa loob ng lugawan at umorder habang naiwan naman sa may labas si Jerick. Nadatnan nila ang isang grupo nila Jervy na pawang mga lasing at dalawa pang hindi nila kilalang lalaki.

Habang nasa loob ng lugawan, bigla nagsalita si Aljohn kay Jearome na “Ikaw na! Da best kayo!” sumagot si Jearome, “Pre, sino da best?” at tumalikod. Bigla na lang sinuntok ni Aljohn si Jearome sa kanang pisngi.

Bumagsak ito. Pinagtatadyakan siya ng isa pa nilang kasama. “Pinagtulungan na po kami (Ako, Jearome at Jerick).” –laman ng salaysay.

Pilit daw silang tumakas magpipinsan. Naunang makaalis si Jearome. Siya na ang sumunod habang nahuli si Jerick. Dito na nakorner ang pinsan.

Sa testimonya ni Mark sa mga pulis, naputol sa, nagsalita na lang itong si Jerick at sinabi kay Jearome na siya’y may tama. Ang ilan sa mga nangyari sa hukuman na lang niya idinetalye.

Sinuportahan naman ni Jearome ang naging pahayag ni Mark ng magbigay din siya ng parehong pahayag sa pulisya. Mabilis na nadakip ang magpinsang Jervy at Rommel subalit pansamanatala ring nakalaya matapos na magpiyansa. Nakatakas naman sina Aljohn at Arjay.

Inakyat ang kasong Homicide sa Prosecutor’s Office ng Imus, Cavite laban kina Jervy at dalawang ‘di nakikilalang suspek (john does).

Isang Jay Pacheco, 38 anyos, tanod ng brgy. Camachile I ang nagbigay rin ng salaysay sa pulisya ika-30 ng Mayo 2011. Saksi rin daw siya sa nangyari. Ayon kay Jay: habang nasa lugawan sila kasama ang ibang kapitbahay nadatnan niyang kumakain dito ang anim na suspek.

Nang matapos na silang kumain, dumating naman sina Jearome, Mark at Jerick. Habang nagbabayad, narinig na lang niyang may lumagapak sa kanyang likuran. Paglingon niya nakita niyang nagkakagulo at nagrarambulan na ang grupo nila Jervy at grupong bagong dating.

Lumabas sila sa lugawan at pinanood ang nagkakagulong grupo. Napansin niya ang apat na lalaking na hawak-hawak ang isang lalaki. Pilit siyang ipasok sa kusina ng lugawan.

Narinig niyang may sumigaw, “Pre p*7@#6 i#@! ‘Wag niyong papakawalan yan papatayin ko na yan!”. Ang sigaw daw na iyon ay patungkol kay Jerick dahil ang dalawang kasama niya ay nakalabas na.

“Yung lalaking hinila at hawak ng apat na lalaki ay nagawang makatakas. Nakita ko na duguan na siya at tumakbo papasok sa loob ng subdibisyon ng Camachile.” ­– laman ng salaysay ni Jay.

Hinabol pa rin daw si Jerick ng grupo. Ang isa may hawak pang isang mahabang kutsilyo. Nagkaroon ng pagdinig ng kasong sinampa nila Lily, pinabulaan ng apat na suspek ang akusasyon sa kanila. Gumawa sila ng Pinagsamang Sinumpaang Sagot na Salaysay (Joint-Counter Affidavit).

ABANGAN ang bersyon ng istorya ng mga suspek na si Jervy, Rommel, Aljohn at Arjay. EKSKLUSIBO sa LUNES dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming mga numero 09213263166(Chen) /09213784392 (Pauline) /09198972854 (Monique).  Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. O personal na pumunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Bukas kami Lunes-Biyernes Follow us on twitter: Email: [email protected]

ALJOHN

BRVBAR

CAVITE

JEAROME

JERICK

JERVY

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with