KASO ito ng magkapatid na George at Ely at ang babaing si Chit.
Niligawan ni George si Chit sa loob ng mahaba-habang panahon. Wala siyang kamalay-malay na nagkaroon pala ang babae ng relasyon sa kapatid niyang si Ely. Dahil hindi nalaman ni George ang tungkol sa relasyon ng dalawa, pinakasalan niya si Chit noong Disyembre 1964. Limang buwan matapos ang kasal o noong Abril 1965 ay nanganak ang babae.
Sa paniniwalang hindi siya ang ama ng bata, nagpetisyon sa korte si George upang ipawalang bisa ang kanilang kasal sa kadahilanang niloko lang siya ni Chit. Itinago ng babae ang katotohanang nabuntis na siya ng ibang lalaki nang magpakasal siya kay George. Binasura ng korte ang petisyon. Idineklara nito na hindi kapani-paniwalang hindi napansin ni George o hindi man lang siya naghinala na buntis na ang babae nang pakasalan niya.
Hindi masaya si George. Bukod kasi sa pagbasura ng petisyon niya ay nadiskubre pa niya sa kanyang pag-iim-bestiga na ang kapatid pala niyang si Ely at ang kanyang asawa ang magkarelasyon. Sa katunayan, inamin ni Ely na siya ang ama ng dalawang anak na iniluwal ni Chit!
Armado ng bagong nadiskubreng impormasyon at ng pag-amin nina Ely at Chit, pati na rin ng birth certiÂficate ng dalawang bata, muling bumalik si George sa korte upang hingin ang rekonsiderasyon nito at magkaroon ng bagong paglilitis ng kaso. Nagsumite pa siya ng isang litrato ni Chit na nagpapakita na natural siyang may katabaan kaya’t imposibleng mahalata na apat na buwan na siyang buntis. Tama ba si George?
TAMA. Noong kasal nina George at Chit ay apat na buwan na buntis ang babae. Sa estadong iyon ay hindi pa masyadong halata ang kanyang tiyan dahil nga natural na siyang malusog. Ayon din sa mga eksperto sa medisina, kahit sa ikalimang buwan ng pagbuÂbuntis ay hindi pa masyadong halata ang paglaki ng tiyan ng babae dahil ang medyo lumalaki pa lang ay ang ilalim na bahagi ng puson at hindi pa ito masyadong halata. Puwede nga na isipin na tumataba lang ang babae.
Sa ikaanim na buwan ay saka bumibilog ang tiyan at nahahalata ang pag bubuntis. Kaya masasabi na talagang nanloko si Chit at itinago ang pagbubuntis niya kay George. Ito ang matibay na basehan upang mapawalang-bisa ang kasal bukod pa sa isiÂnumiteng ibang ebidensiya tungkol sa relasyon nina Chit at Ely. Ito ang hatol sa kasong Aquino vs. de Lizo, 109 Phil. 21.