NANGANGAMBA na ang overseas Pinoy workers sa Taiwan. Nagsimula na ang ibang pagtrato sa kanila. Ayon sa nakapanayam ng ABS-CBN na si Jenny Wu, isang OFW sa Taiwan, may mga tindahan na ayaw nang magbenta ng kagamitan sa mga Pilipino. Kapag nalamang Pilipino, hindi na bebentahan. Ang laman ng TV, radyo at pahayagan ay kung gaano kasama ang mga Pilipino. Walang masabing maganda ukol sa Pilipino, maraming galit at hindi tinanggap ang anumang paumanhin na pinadala na ng Pangulong Aquino. Natatakot na sila na baka lumala, at maging pisikal na ang pagmamalabis sa kanila. Nakakatakot nga naman maging Pilipino sa Taiwan ngayon.
Lumalabas na ang kasalanan ng isa ay kasalanan na ng buong bansa! Pumatay ba ng taga-Taiwan ang ating mga kababayan doon? Masama ba silang mga empleyado? Wala ba silang galang sa kanilang mga amo? At dito ba minamaltrato natin ang mga taga-Taiwan, kahit napakasama na ng Pilipino sa mata nila? Ikinalungkot ng lahat ang insidente. Pero hindi ito dahilan para masamain ang buong bansa, at ang kanyang mga mamamayan. Lumalabas talaga ang kulay ng mga Taiwanese.
Sa mga libro ng kasaysayan, ang sinasabing sumindi ng mitsa na nagsimula ng Unang Digmaang Pandaigdig ay isang putok ng baril lamang. Ito ang pagpatay kay Archduke Franz Ferdinand ng Austria. Kaya ko nabanggit ito, dahil tila ganito rin ang epekto sa mga Taiwanese! Ang pagpatay sa isang mangingisda ng Philippine Coast Guard ay tila nagsisilbing mitsa para makipag-away nang husto ang Taiwan sa Pilipinas, sa pamamagitan ng pag-ipit sa ating mga trabahador! Kailangan nang magkaroon ng maayos na diplomasya sa pagitan ng dalawang bansa. Ito rin ang nais ng Amerika at nagsabi sa Taiwan na magpalamig na muna ng ulo. Parehong kaalyado ng Amerika ang Pilipinas at Taiwan.
Nasa 90,000 ang OFWs ang nasa Taiwan, at taun-taon ay nadadagdagan ito. Marami ang nakikinabang sa magandang trabaho at pasuweldo roon. Ngayon, nalalagay silang lahat sa peligro dahil sa insidenteng wala naman may gustong mangyari. Nasa Pilipinas pa rin ang bola. Ano ang gagawin ng adminis-trasyon sa panibagong hamon sa kanilang pamumuno?