EDITORYAL - Hanguin sa pagkaalipin ang mga bata
MARAMING bata ang maagang nagbabanat ng buto. Nagtatrabaho sila sa bukid, dagat, minahan, asinan, pabrika, construction at ang napakasakit, ilan sa kanila ang nagbebenta ng “lamanâ€. Nasa edad lima hanggang 17 ang mga batang manggagawa. Karamihan sa kanila ay dating nag-aaral subalit dahil sa kahirapan ng buhay, napipilitan silang tumigil para tulungan ang kanilang mga magulang. Masakit man sa kanilang kalooban, kailangan nilang magbanat ng buto para kumita at nang may makain hindi lamang sila kundi pati ang pamilya.
Ayon sa National Statistics Office (NSO), nasa 5.49 milyon ang mga batang manggagawa sa bansa. Mula lima hanggang siyam na taong gulang ay nag-aaral pa ang mga bata (mga 90 percent) subalit habang tumatagal ay nababawasan na ang kanilang bilang. Pagdating ng edad 15 ay 50 percent na lamang ang nasa school. Iba’t ibang trabaho na ang kanilang pinapasok para matulungan ang mga magulang at para hindi magutom.
Ayon sa International Labor Organization, dahil sa maagang pagsabak ng mga kabataan sa pagtatrabaho, ninanakaw ang kanilang karapatan na mamuhay nang normal bilang mga bata. Nawawala rin ang kanilang dignidad at potensiyal. Bumabagsak sila sa pagiging alipin, maaagang nawawalay sa kanilang mga magulang at nala-lantad sila sa panganib ng pagkakasakit. Ang masama pa, marami sa kanila ang nasasadlak sa masamang gawain. Dahil iba’t ibang uri ng tao ang kanilang nakakasalamuha, naaakit sila na gumawa ng masama. Ang ilan sa mga kabataang babae ay nasasadlak sa prostitusyon. Kahirapan ng buhay ang dahilan kaya parami nang parami ang mga batang manggagawa. Ilang administrasyon na ang nagdaan subalit ang problema sa child labor ay hindi nabawasan kundi dumami pa nga.
Pakilusin ng gobyerno ang DSWD at hanguin ang mga ito sa pagkaalipin. Ang mga bata ay nararapat sa eskuwelahan para makapanday ng kaalaman. Kung sila ay nakapag-aral, hindi sila magiging alipin.
- Latest