Nakasuhan dahil sa wedding cake
KAPAG ang lalaki o ang babaing ikakasal ay hindi sumi-pot sa kasalan, puwede siyang i-demanda ng danyos-perwisyos. Pero kung ang wedding cake ang hindi nakarating sa reception puwede ba itong maging dahilan sa pagsasampa ng kaso para sa danyos? Ito ang sasagutin sa kaso nina Mandy at Christy.
Sina Mandy at Christy ay nagtakda ng petsa ng kaÂnilang kasal. Isang buwan bago ang mismong kasal ay nag-order na si Christy at ang kanyang ina ng tatlong layer na cake sa isang kilalang bakeshop na pag-aari ni Mila. Napagkasunduan na dadalhin ang cake ng alas-singko ng hapon sa country club kung saan gaganapin ang reception. Nagbigay na ang mag-ina ng paunang bayad na isang libo at ang balance na P2,000 ay binayaran nila sa loob ng dalawang linggo.
Noong araw ng kanilang kasal, dumating ang magsing-irog at ang kanilang mga bisita sa wedding reception ganap na alas-sais ng hapon pero wala ang kanilang wedding cake. Bandang alas-siyete ng gabi, napilitan na ang nanay ni Christy na tumawag at magtanong sa bakeshop. Sinabi sa kanya na naantala ang delivery ng cake dahil sa sobrang traffic. Isang oras pagkatapos ay nakatanggap sila ulit ng tawag at sinasabing hindi na raw madadala ang cake dahil nawala ang order slip. Sa sobrang kahihiyan ng bagong mag-asawa at ng kanilang mga magulang ay napilitan na lang silang bumili ng tindang cake sa country club. Isang sans rival.
Bandang alas diyes ng gabi, biglang may dumating na wedding cake. Pero hindi na ito tinanggap pa dahil nga sobrang gabi na at two-layered cake lang ang dineliber.
Matapos ang nangyari, nagpadala si Mila, ang may-ari ng bakeshop, ng isang liham para personal na humingi ng dispensa sa nangyari, kasama nito ang isang tsekeng nagkakahalaga ng P5,000.00. Hindi tinanggap ni Christy at ng kanyang ina ang tseke. Pakiramdam nila ay kulang ito kumpara sa perwisyong ginawa sa kanila. Makaraan ang dalawang linggo ay inutusan ni Mila ang kanyang manugang para dalhin ang P5,000 tseke pero muli itong tinanggihan.
Tatlong buwan ang na-kalipas at nang walang ibang alok na nanggaling mula kay Mila, nagsampa ng kaso sina Mandy, Christy at ang kanilang magulang laban kay Mila at sa kanyang bakeshop para sa breach of contract o paglabag sa kontrata nila. Hiningi nila sa korte na pagbayarin si Mila ng P4,000 bilang aktuwal na danyos, P250,000 na moral damages, P100,000 para sa exemplary damages, P10,000 nominal damages at P10,000 para sa gastos sa abogado. Ayon sa kanila, sinapit nila ang sari-saring kahihiyan, kawalan ng tulog, sobrang nerbiyos at sama ng loob dahil sa nangyari.
Ang ibinigay sa kanila ng hukuman ay aktuwal na danyos pati P30,000 na moral damages, P10,000 na attorney’s fees. Nang umapela sa Court of Appeals, naging P250,000 ang moral damages at nagkaroon pa ng exemplary damages na P100,000.
Kinuwestiyon ngayon ni Mila kung bakit pinagbabayad pa siya ng moral at exemplary damages. Ayon sa kanya, nagkamali pareho ang mababang hukuman at ang Court of Appeals dahil puwede lang itong ibigay kung talagang talamak ang kapabayaan, malisyoso, mayroong bad faith, nang-api at nang-abuso siya sa ginawa niyang paglabag ng kontrata. Tama ba si Mila?
TAMA. Ang mga taong naghahabol ng moral at exemplary damages para sa paglabag ng kontrata ay kailangan magpatunay na ang nagkasala ay mayroong tinatawag na bad faith, talamak na kapaba-yaan, at naging walang pa-kundangan sa kanilang ginawa kaya ito ang mismong dahilan ng pagkapahiya, kawalan ng tulog, nerbiyos at grabeng pag-iisip na dulot ng kahihiyan ng taong na-argabyado.
Ang tinatawag na bad faith ay hindi lang simpleng maling desisyon o kapaba-yaan. May kaakibat itong kasinungalingan at layunin na talagang gumawa ng kamalian. O talagang desidido ang nagkasala na gumawa ng mali o masama sa kanyang kapwa. Walang ganito sa kaso ni Mila. Katunayan nga ay agad siyang humingi ng dispensa sa nangyari at nag-alok na ayusin ang nagawang pagkakasala.
Pero dapat din na magbayad si Mila ng P10,000 na nominal damages dahil nagsinungaling siya nang sabihin nyang matindi ang traffic kaya nahuli ang cake pero talagang wala naman palang cake na dadalhin sapagka’t nawala ang order slip. Dapat din na bayaran niya ang halaga ng cake pati ang nagastos sa abogado na nagkakahalaga ng P10,000 (Francisco et. Al. vs. Ferrer Jr., et. Al., G.R. 142029, February 23, 2001).
- Latest