Time is gold
ANG Civil Aeronautics Board (CAB) ang ahensiya ng pamahalaan na may kapangyarihan ukol sa regulasyon ng transportasyong pangkalawakan. Kabilang sa mga katungkulan nito ay ang pagmonitor na ang mga Airlines ay tumutupad sa kanilang obligasyon sa airline passengers’ Bill of Rights. Ito ang batas ng kumilala sa mga karapatan ng pasahero sa mga sitwasyong naaagrabyado sila ng mga higanteng airline companies.
Sa pinakahuling ulat ng CAB, ang pinakamadalas ng reklamo ng mga pasahero ay ang delayed o cancelled flights. Topnotcher sa mga ito ang Cebu Pacific (CebuPac) at pumapangalawa naman ang Airphil Express. Ang bilis naman talagang sumadsad ng reputasyon nitong CebuPac. Noong una itong bumulaga sa eksena, isa itong bagitong nag-aambisyon na maunahan ang Philippine Airlines (PAL) na ilang dekadang walang kakumpetensiya bilang No. 1 airline. Ang bentahe ng CebuPac ay ang rekord nitong laging on-time laban sa PAL na ang ibig sa sabihin daw ay Plane Always Late.
Napangatawanan nga ng CebuPac ang kanilang misyon na magkarekord na mas maaasahan. Isa ako sa bumilib at nagtiwala. Kung dati’y sa PAL lamang pinagkakatiwala ang kaligtasan sa paglipad, napapayag na rin akong sumubok ng CebuPac sa biyaheng lokal man o maging sa labas ng bansa. Kaya isa rin ako sa mga natuwa nang napantayan at nalampasan pa ng CebuPac ang PAL bilang No. 1 domestic airline.
Sayang at sandali lang ang itatagal ng ganitong reputasyon ng CebuPac. Mula nang nag-No. 1 sila ay saka naman nagumpisang pumalpak ang rekord na laging nasa oras. Itong huling dalawang biyahe ko sa loob ng bansa, na parehong CebuPac ang sinakyan, ay minalas akong ma-delay ang lipad ng eroplano, isang 3 hours ang delay at isa namang 2 hours. Parehong air traffic congestion ang idinahilan. Wala naman akong mabalitaan na ganitong pangangatwiran mula sa PAL, lalo na dahil hindi na sila laging late di gaya ng dati.
Mababait ang ground crew ng CebuPac, gaya rin ng kabaitan ng kanilang cabin crew. Subalit ano ang pakinabang nito kapag hindi napangatawanan ng airline ang pangako na ihahatid ang pasahero sa paroroonan sa takdang oras?
- Latest