EDITORYAL - May ‘tuwid na landas’ na kaya sa BuCor?

NGAYONG may bago nang hepe ang Bureau of Corrections (BuCor) ang tanong ay magkaroon na kaya nang “tuwid na landas” sa tanggapang binalot ng liku-likong kontrobersiya’t problema. Nagkamali si President Aquino sa pagtatalaga noon ng pinuno ng BuCor. Hindi nagampanan nang maayos ang mga tungkulin. Maraming umusbong na problema kabilang na ang katiwalian, pagbubuhay-hari ng mga mayayamang inmates at marami pa. Sa nangyari, tumilamsik ang dumi sa administrasyon.

Itinalaga ni Aquino si dating retired police gene­ral Franklin Bucayu bilang acting chief ng BuCor. Ilang buwan ding walang hepe ang BuCor makaraang magbitiw sa puwesto si Gaudencio Pangi­linan noong Disyembre 2013. Nagbitiw sa BuCor si Pangilinan dahil sa maraming kontrobersiya. Ang pinaka-matindi ay ang kamangha-manghang pagkakakidnap kay convicted murderer Rolito Go. Kinidnap si Go habang nasa bisinidad ng National Bilibid Prison (NBP). Dinala si Go at umano’y pamangking nurse nito sa isang lugar sa Batangas. Pagkaraan ng ilang araw ay pinakawalan din sina Go. Ayon kay Go, wala namang binayad na ransom. Hanggang ngayon palaisipan ang Go kidnapping.

Bukod sa kasong iyon, marami pang pangyayari sa BuCor na mahirap paniwalaan pero totoong nangyari. Kagaya na lamang ng paglabas-masok ni dating Batangas governor Antonio Leviste sa NBP. Umano’y lumalabas sa NBP si Leviste para bisitahin ang kanyang building sa Makati.

Malaking isyu rin sa NBP ang maluwag na seguridad kung saan ay may mga inmate na nakagpapasok ng granada sa loob. Nagkaroon ng pagsabog sa NBP makaraang ihagis ang isang granada at anim na inmates ang nasugatan. Paano kung bomba na ang naipasok at sumambulat sa loob? Kahiya-hiya ang BuCor kapag nangyari iyon. Pero maaaring mangyari kung hindi magkakaroon ng mahigpit na seguridad.

Ngayong si Bucayu na ang hepe ng BuCor, magkaroon na kaya ng “tuwid na daan” at mabali ang mga “likong” gawain sa kanyang tanggapan? Umubra kaya siya sa mga may sungay na mayayamang bilanggo? Kayanin kaya niya ang katiwaliang namamayani sa loob?

 

Show comments