Palpak ang kaso (Unang bahagi)

IKINASAL sina Marcia at Juan noong Marso 4, 1978.  Nagkaroon sila ng tatlong anak, sina John, Jimmy at Janet. Matapos ang 25 taong pagsasama, namatay si Juan sa isang malagim na aksidente sa ibang bansa. 

Nang ibalik sa Pilipinas ang kanyang bangkay, isang babae ang pumunta sa burol kasama ang isang batang lalaki. Nagpakilala ang babae na si “Lani” at ang bata ay si “Juanito”. Sinabi ni Lani kay Marcia na si Juanito ay anak ni Juan.

Matapos mailibing ang asawa, kinumpirma ni Marcia ang rebelasyon ni Lani kay Juan sa pamamagitan ng pag-iimbestiga sa rekord ng kapanganakan ni Juanito. Napatunayan ni Marcia na ipinanganak si Juanito noong Enero 1, 1996 at ang nakalistang ina ay si Lani samantalang si Juan naman ang ama. Kinilala ni Juan si Juanito bilang anak noong Enero 13, 1996. Diumano, naging lehitimong anak si Juanito noong nagpakasal sina Juan at Lani noong Abril 22, 1998 at ayon ito sa kasamiyento ng kasal na nakuha ni Marcia.

Noong Disyembre 23, 2005, nagsampa sina Marcia at ang mga anak niyang nasa hustong edad, sina John at Janet, ng petisyon sa korte laban kay Lani at sa tumatayong guardian ni Juanito para itama ang nilalaman ng birth certificate ng bata alinsunod sa Rule 108-Rules of Court. Ayon kay Marcia, hindi dapat naging lehitimong anak si Juanito sa pamamagitan ng pagpapakasal kay Lani dahil kasal sa kanya si Juan kaya ang pangalawang kasal niya kay Lani ay “bigamous”. Hinihingi nina Marcia sa husgado na  1) itama ang nilalaman ng rekord ng birth certificate ni Juanito patungkol  sa kanyang pagiging lehitimong anak ni Juan, sa pagkilala sa kanya nito at ang paggamit niya ng apelyido ni Juan, 2) na utusan si Lani at ang guardian ni Juanito na sumailalim ang bata sa DNA testing para mapatunayan kung sino ang kanyangtunay na ama, at 3) na ideklarang walang bisa ang pagiging lehitimong anak ni Juanito dahil nga hindi naman legal kundi “bigamous” ang naging kasal nina Lani at Juan. (Itutuloy)

 

Show comments