BUMIBIGAY na kaya si Chairman Sixto Brillanters sa bigat ng trabaho sa Comelec? Naitatanong ito dahil basag ang mga sagot niya sa kritisismo ng mapurol na paghahanda para sa automated election sa Mayo 2013.
Una, tinuya niya ang info-tech experts na ibalik na lang lahat sa mabagal na manual count. Tapos, hinamon niya sila na ipatigil sa Korte Suprema ang halalan. Ngayon naman, sinasabi niyang sinasabotahe lang ng CenPEG at AES Watch ang eleksiyon.
Pero bakit gagawin ‘yun ng CenPEG at AES Watch? Ang una, binubuo ng mga U.P. professors, ay pinamumunuan ni National Artist Bienvenido Lumbera. Ang ikalawa, kinabibilangan ng mga samahan ng IT-practitioners, religious leaders, at guro, ay sa ilalim ni dating Vice President Teofisto Guingona Jr. Ano’ng mapupura nila sa pagsabotahe sa halalan?
Kung tutuusin nga, si Brillantes ang sumasabotahe sa proseso, dahil sa paggamit niya ng precinct count optical scanners. Pinagpipilitan niya na hindi mamimirata ng software ang Comelec, miski tinanggalan ng sales license ang Venezuelan seller niyang Smartmatic ng Canadian developer na Dominion. Ito’y dahil nabili na raw kasi ng Comelec ang 82,000 PCOS units nu’ng Marso 2012, bago tanggalan ng lisensiya ng Dominion ang Smartmatic nu’ng Mayo 2012.
Pero ito ang hindi masagot ni Brillantes, kaya siya binabatikos ng CenPEG at AES Watch. Kung legal ang pagbili ng Comelec ng PCOS, e bakit hindi maibigay ng Smartmatic ang source code para mapatakbo ang PCOS units? Ang code ang software para makilala ng PCOS units ang genuine ballots, mabasa ang mga boto, at mai-transmit ang tallies sa canvassing centers. Kung wala ‘yun, kahina-hinala ang resulta.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com