Editoryal - Imbestigasyon sa extrajudicial killings
HANGGANG ngayon wala pang nakikitang progreso sa pag-iimbestiga sa mga pinatay na political activists at journalists. Patuloy na naÂghihintay ang mga kaanak ng pinatay, subalit tila naghihintay sila sa wala. Wala silang masilip na hustisya sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay. Nasaan na ang pangako ni President Aquino na ipaprayoridad ang pag-imbestiga sa mga biktima ng summary executions.
Ayon sa human rights group Karapatan, nasa 129 na ang biktima ng extrajudicial killings at 14 sa mga ito ay mga mamamahayag. Pawang hindi pa nalulutas ang mga pagpatay. Ang mga kaanak ng biktima ay nauuhaw na sa hustisya.
Noong panahon ng Arroyo administration, maraming political activists at estudyante ang dinukot at hanggang sa ngayon ay hindi pa natatagpuan. Kabilang sa mga dinukot sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga estudyante ng UP-Diliman. Dinukot sila noong Hunyo 26, 2006 sa Hagonoy, Bulacan habang nagsasagawa ng research work. Ayon sa mga testigo, mga sundalo ang dumukot sa dalawang estudyante.
Dinukot din si Jonas Burgos, anak ng beteranong mamamahayag na si Jose Burgos Jr. sa isang restaurant sa Commonwealth Ave., Quezon City noong Abril 28, 2007. Ayon sa mga testigo, mga lalaking may baril at gupit sundalo ang dumukot kay Jonas. Hanggang ngayon hindi pa natatagpuan si Jonas. Ang kanyang ina at mga kaanak ay matagal nang naghihintay kay Jonas.
Ang mga mamamahayag naman ay walang awang pinapatay. May isang babaing mamamahayag na binaril sa harap mismo ng kanyang mga anak habang kumakain ng hapunan. May mga suspect na nadakip subalit ang “utak†ay nananatiling misteryo. Ang masaklap pa, may mga testigo sa pagpatay subalit habang nakakulong ay pinapatay din. Halimbawa ay ang mga testigo sa pagpatay sa broadcaster na si Doc. Gerry Ortega ng Palawan. Dalawang testigo na ang napapatay.
Kikilos pa kaya ang gobyerno para maimbestigahan ang extrajudicial killings? Pagagalawin kaya ang Department of Justice at Department of Interior and Local Government para matutukan ang mga kaso?
Sana, maiprayoridad ito.
- Latest