Editoryal - Pag-audit sa milyong savings ng Senado
DAPAT lang na ipursige ni Sen. Allan Peter CayeÂtano ang pagpapa-audit sa sinasabing malaking savings ng Senado at huwag na siyang humakbang sa kung anu-ano pang isyu. Mas mahalaga kung gaano na kalaking halaga ang naiipon ng Senado at kung saan-saan ito napupunta. Dapat itong maÂlaman ng taumbayan sapagkat sa buwis nila ito nangÂgaling. Kung mayroon mang dapat pagpasalamatan ang mga senador na tumanggap ng milyones na Christmas bonus, iyon ay walang iba kundi ang mamamayan.
Nag-ugat ang balitaktakan nina Cayetano at Senate President Juan Ponce Enrile dahil sa Christmas gift na P1.6 million para raw sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ng 22 senador. Hindi kasama rito si Cayetano, kanyang kapatid na si Pia, Miriam Defensor-Santiago at Antonio Trillanes. Umano’y P250,000 lang ang natanggap ng apat.
Naging maapoy ang balitaktakan nina Cayetano at Enrile. Pati ang chief of staff ni Enrile ay nakakaladkad sa isyu na naging dahilan para magbitiw. Nauwi pa sa sumbatan ang isyu. Nahalungkat ang P37-million na utang umano ng namayapang ama ni Cayetano na si Sen. Rene Cayetano. Naungkat din ang mga kahoy na ibinigay umano ni Enrile sa namayapang Cayetano para sa bahay nito. Ganti naman ni Cayetano, ang chief of staff ni Enrile ang umaakto sa puwesto ng Senate President. Ito umano ang pumipirma sa tseke. Sabi ni Enrile, ang perang pinamudmod sa mga senador ay savings ng Senado.
Patuloy ang paghalungkat sa mga personal na bagay o buhay ng bawat isa at tila nawawala na sa tunay na isyu. Ang pinaka-isyu rito ay ang malaking savings na naipon umano ng Senado. Tila walang control ang Senado pagdating sa ganitong savings. At ngayon lamang lumitaw na mayroon palang maÂlaking savings ang Senado. Ano na ang nangyari sa mga nakaraang savings? Hindi basta-basta ang naiipong savings na kayang pamudmuran ng P100,000 ang mga staff ng senador.
Sa ganitong sitwasyon, dapat nang sumailalim sa auditing ang perang ipon ng Senado. Hayaan ang Commission on Audit (COA) na mag-imbestiga. Itigil na ang sumbatan sapagkat sumasama ang imahe ng Senado.
- Latest