Happy New Year!
Sa lahat nang matapat na sumusubaybay sa REPORT CARD, binabati ko kayo ng isang masaganang Bagong Taon – masaganang buhay, trabaho, kalusugan at suwerte sa lahat.
Ang Top 6 news nitong nakaraang 2012 ay ang sumusunod: (1) Impeachment ni Chief Justice Renato Corona; (2) ang pagsakop ng China sa West Philippine Sea; (3) ang pagpirma ng framework peace agreement sa MILF; (4) approval ng RH bill; (5) pagkamatay ni DILG Sec. Jesse Robredo; at (6) pagka-knockout kay Manny Paquiao ni Juan Manuel Marquez.
Ang pinakamalaking news naman nitong pagbukas ng 2013 ay ang pag-amin ng mismong Presidential Commission on Good Government (PCGG) na panahon na upang ito’y buwagin dahil hindi na epektibo sa mando nitong maghabol ng mga nakaw na yaman.
Ang pangunahing target ng PCGG ay ang kayamanang tinangay daw ng Marcos family. Subalit ngayong mga 26 years na ang tinagal ng kanilang misyon ay wala pa sa kalahati sa inaakalang $10 billion na yaman ang nababawi ng PCGG.
Siempre, madaling isisi ang kakulangan ng tagumpay sa magagaling daw na legal team ng mga Marcos. Tinutukoy din ng PCGG ang mismong mga nakaraang nakapuwesto sa ahensya na nagpayaman imbes na gampanan ang trabaho (siguradong kontrobersiyal ang statement ni PCGG Chairman Andy Bautista – lahat ng naging opisyal ng PCGG bago siya ay mapagsususpetsahang “nakausap”). Maari rin namang mahina lang talaga ang nakalap na ebidensiya.
Pero ang katotohanan ay kung nais pa rin ipagpatuloy ng gobyerno ang mando ng PCGG, kailangan nitong gumastos ng baka mahigit pa sa kikitaing pera. Hindi madali magpakatotoo sa ganitong sitwasyon – aakusahan ka pang umaatras sa laban. Kaya kahanga hanga ang deklarasyon ni Chairman Bautista. May mga pagkakataon kung kailan kailangang tanggapin ang katotohanan, gaano man kasakit dahil mas matatalo ka pa kung ipilit. Kung hindi na rin naman gagastusan ng gobyerno ang PCGG, sangayon tayo kay Chairman Bautista na panahon nang buwagin ito at ibalik ang mga kaso sa Department of Justice.
- Latest