MARAMI ang hindi nakaaalam na may peligro ang paggamit ng escalator sa mga shopping malls. Ayon sa isang kompanya na gumagawa ng escalator, marami nang naaaksidente sa maling paggamit ng escalator.
May mga taong naputulan ng daliri sa paa, nabali ang buto sa paa, at mayroong nahulog na sa escalator. Sari-saring aksidente ang nangyayari kaya dapat nating alamin ang tamang paggamit nito.
Ayon din sa eksperto ng escalator, ang pangunahing dahilan ng pagkaaksidente ay ang mga ito: (1) Iniiwan ang bata ng mag-isa sa escalator, at (2) Iniipit ang tsinelas sa mga sulok ng escalator.
Sa ibang bansa, tulad ng sa Europa, ay ipinagbabawal na ang mga taong naka-tsinelas na gumamit ng escalator. Eh, papaano na iyan sa Pilipinas na halos lahat ay naka-tsinelas?
Kaibigan, kung ayaw niyong maaksidente o maputu-lan ng daliri sa paa, basahin maigi itong mga babala:
Ang escalator ay HINDI palaruan ng bata. Huwag mag-akyat-baba sa escalator.
Bawal iwan mag-isa ang bata sa escalator. Huwag na huwag pabayaan ang bata sa escalator. Kapag hina-yaan ng magulang ang anak nila, sila ang mananagot sa anumang aksidente dito.
Bawal umupo o humiga sa escalator.
Tumapak o tumayo lang sa gitna ng escalator, doon sa loob ng dilaw na linya. Huwag idikit ang paa sa tabi o sa pagitan ng mga bakal na hagdanan.
ITAAS ang paa pagdating sa plataporma (landing platform). Huwag subukan i-slide ang tsinelas sa pagitan ng mga ipin ng escalator. Oras na kainin ng iping bakal ang iyong tsinelas, hindi mo na mahuhugot ang iyong paa.
Huwag tumalon-talon sa escalator. Kung matangkad ka, baka mahulog ka sa mataas na floor ng escalator. Marami na ang namamamatay sa pagkapilyo.
Ang kamay ay dapat nakalapat lang sa gomang hawakan. Huwag isuksok ang kamay sa ilalim nito. Baka ika’y maipit at hindi mo na mahugot ang iyong kamay.
Tandaan. Ang hindi tamang gamit nito ay makakadisgrasya at puwedeng makamatay. Paminsan-minsan, maghagdanan ka na lang. May ehersisyo na, mas safe ka pa!