Pinas: Boxing capital of the world
ESTABLISADO na talaga ang reputasyon ng Pilipinas bilang boxing capital of the world matapos patulugin ng ating si Nonito “the Filipino flash” Donaire ang magaling na Mexican boxer na si Jorge Arce sa Houston, Texas sa ikatlong round pa lang ng laban.
Napanatili ni Donaire ang titulong WBO Super-bantamweight Champion na nabigong agawin ng Mehikano. Sabi nga ng beteranong sports analyst at broadcaster na si Ronnie Nathanielsz, nakabawi ang Pilipinas sa sakit ng pagkatalo ng ating People’s Champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao. Kahit ang mga Mehikanong nanonood ay humanga sa galing ni Donaire matapos patulugin ang kanilang kababayan na tinaguring “Filipino executioner” sa dami ng mga tinalong Pinoy boxers.
Ganyan talaga ang ano mang sports. Walang nananatiling kampeon habambuhay. Kung hindi man dahil sa edad, sa malaon at madali’y may sumusulpot na mas mahuhusay na tatalo sa isang magaling na manlalaro.
Kahit nangako si Pacquiao na muling babangon, dagdag na karangalan ang ibinigay at ibibigay pa ng mas batang boxer na si Donaire.
How I wish na magkaroon ng regulasyon sa boxing na nagtatakda sa edad para sapilitang magretiro ang isang boksingero. Hindi ko man tanggap ng lubusan ang boxing dahil ito’y masyadong pisikal, ito’y isang larong hindi basta-basta mawawala. Kaya para sa kapakanan ng mga manlalaro, marapat lang na magpatupad ng mga alituntunin para pangalagaan ang kalusugan ng mga boksingero. Hindi lingid sa lahat na marami nang nabalda kundi man tuluyang namatay matapos ang pakikipaglaban.
Gaya nang nasabi ko sa nakalipas na kolum, si Pacquiao ay sasailalim sa 120 araw na observation period at brain checkup para tiyaking walang malubhang pinsala ang kanyang utak matapos siyang patulugin ni Juan Manuel Marquez.
Pero inuulit ko na ano man ang resulta, para sa akin ay dapat nang magpahinga ang ating kampeon at habang malakas pa siya at mag-enjoy siya sa mabuti niyang kalusugan at huwag matulad sa ibang boksingero na tuluyang nabalda.
- Latest