Lalaki sa India, namatay matapos lumunok ng buhay na sisiw!
NAMATAY ang isang 35-anyos na lalaki sa Chhattisgarh, India matapos lumunok ng buhay na sisiw, na pinaniniwalaang bahagi ng ritwal upang matupad ang kanyang pangarap na magkaroon ng anak.
Kinilala ang biktima na si Anand Yadav, residente ng Chhindakalo, Ambikapur. Ayon sa ulat, bigla na lamang siyang hinimatay sa kanilang bahay dahil sa sobrang sakit ng lalamunan at hirap sa paghinga.
Nang isugod sa ospital, idineklara siyang patay ng mga doktor.
Sa isinagawang autopsy, nadiskubre ni Dr. Santu Bag ang isang sisiw na may habang 20 sentimetro na nakabara sa kanyang trachea at esophagus, dahilan upang mahirapan siyang huminga at magdulot ng suffocation.
Ayon kay Dr. Bag, ito ang kauna-unahang kaso sa kanyang career.
Batay sa kuwento ng mga residente at kamag-anak ni Yadav, madalas itong dumalaw sa isang babae na nagsasagawa ng mga ritwal dahil 15 taon na itong sumusubok magkaroon ng anak.
Nang matupad ang kanyang hiling, iniuugnay niya ito sa ritwal na isinagawa sa kanya.
Makalipas ang ilang araw, bumili si Yadav ng itim na sisiw at nilunok niya nang buo bilang pasasalamat. Sa kasamaang-palad, dito na nagsimula ang trahedya.
Pinaalalahanan naman ng mga doktor at eksperto ang publiko na iwasan ang mga paniniwalang hindi batay sa siyensiya at huwag magtiwala sa mga ritwal upang gamutin ang karamdaman.
Ayon kay Dr. Dinesh Mishra, isang doktor na tumutuligsa sa mga makalumang pamahiin, mahalagang humingi ng tulong sa mga medical professional imbes na umasa sa mga hindi makalumang paniniwala.
Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang insidente, kabilang na ang mga posibleng taong nagtulak sa biktima na lumunok ng buhay na sisiw.
Ayon kay Yogesh Patel, hepe ng pulisya ng Ambikapur, layunin nilang matukoy ang puno’t dulo ng pangyayari upang mapigilan ang pagkalat ng mapanganib na gawain.
- Latest