Ito na kaya ang mitsa?
Ang magkakampi, pareho talaga kung mag-isip. Ilang buwan na nating binabatikos ang China sa kanilang mga pahayag, patakaran at kilos ukol sa pag-aangkin ng lahat ng isla sa West Philippine Sea. Ayon sa ilang eksperto sa rehiyon, pinipilit ng China na ipakita sa buong mundo na isa silang makapangyarihang bansa na hindi pwedeng hindi bigyan ng pansin. Kaya ganun na lang daw kung mag-isip ang kanilang mga pinuno, at militar. Ngayon, ang kanilang kakosa, North Korea, ang siya namang pasaway rin!
May plano na naman ang North Korea na magpalipad ng isang rocket itong Disyembre. Ito matapos ang nakakahiyang pagsubok na magpalipad ng isang rocket noong Abril nitong taon. Matinding batikos at reklamo ang inabot ng walang pakialam na bansa, pero nauwi lamang sa kahihiyan at bunga ng maraming biro at insulto sa text at sa internet! May nagtatanong nga na kung ilang scientist kaya sa North Korea ang nakulong o pinatay matapos ang nakakahiyang pagkabigo!
Kaya siguro inisip na kailangang ipakita sa mundo na totoong may kaka-yanan sila sa pagpapalipad ng mga rocket na kayang lumipad ng malayo. Ang kanilang pahayag ay para sa mapayapang paraan lamang yung rocket, pero marami ang nagdududa na ito’y isang armas na may kakayahang umabot sa South Korea at iba pang bahagi ng mundo. Hindi pa alam ang eksaktong petsa kung kailan paliliparin ang rocket, pero ngayon pa lang ay marami na naman ang umaalma. Yung huling pinalipad ay bumagsak sa karagatan nang walang tinamaan. Paano kung mas malayo nga ang marating nitong bagong rocket, pero bumagsak na sa mataong lugar? Dahil sa kanilang kahihiyan noong Abril, kailangan nilang patunayan na kaya nila. Kaya nila manakot!
Magkaalyado ang North Korea at China. Tandaan na noong digmaan ng mga Korea noong 1950s, tumulong ang China sa North Korea nung sila’y matatalo na nang husto ng mga Amerikano at kanilang kaalyado. Wala silang dahilan para makialam sa digmaan, pero nakialam pa rin. Sa pasko pa sila umatake! Di kaya sila ang mitsa ng katapusan ng mundo, na siyang hinulaan ng mga Mayans na magaganap itong Disyembre? Maghihintay na naman tayo ng mga araw kung totoo nga ang hula, o hindi.
- Latest