Lahat tatamasa sa 7.1% growth

ILAN sa atin ang umismid sa balita na sumipa nang 7.1% ang ekonomiya nu’ng Hulyo-Setyembre. Palibhasa subsob sa mahirap na trabaho at lulong sa sakripisyo, nagwalang-pakialam tayo sa magandang balita. E ano sa atin, naisip ng ilan, kung pinaka-masigla ang kabuhayan ng Pilipinas sa buong Southeast Asia, pagkatapos ng Tsina?

  Sa totoo lang, dapat ay may pakialam tayo sa 7.1% growth. Kasi, sa paghimay natin ng detalyes, makikita natin kung saan dapat tayo lumilinya. Ito’y para mapalago ang ating mga kita.

Ihalimbawa natin ito: sa Industry Sector, umatras ang mi-ning nang-2.2%, habang umusad nang konti ang manufacturing nang 5.7% at ang electricity-gas-water nang 2.7%. Pero sumipa nang tumataginting na 24.3% ang construction. Samakatuwid may pataas na trend ito, kaya dapat dito tayo luminya.

Inanunsiyo ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na napaka-in-demand ngayon ng karpintero. Kailangang-kailangan ng carpentry skill para isakatuparan ang disenyo ng arkitekto at layout ng enhinyero. Hindi lang sa construction site matindi ang pangangailangan sa karpintero, kundi pati sa real estate, renting-business activities, public administration, defense-compulsory social services, personal services, at mga pribadong kabahayan.

Dahil sumisipa ang construction, sa sektor na ‘yun natin maari ikabit ang munting negosyo. Halimbawa, ang karinderya o sari-sari store, pautang na damit at sapatos, o gamit sa katawan at banyo.

Sumipa rin nang 9% ang transportation-storage-communication, 8.3% ang financial intermediation, at 5.5% ang agrikultura. Lubog ang pangisdaan nang -0.6%.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments