Editoryal - Mga pulubi dagsa na sa kalye
DALAWAMPU’T SIYAM na araw na lamang at Pasko na. At habang papalapit ang Pasko, lalo namang dumadagsa sa kalye ang mga pulubi. Hindi na maawat ang kanilang pamamalimos na parang mayroon silang lisensiya dahil Pasko naman. Pero delikado ang ginagawang pamamalimos dahil maaari silang masagasaan o di kaya’y mahulog sa dyipni. Kapag napag-usapan ang tungkol sa mga pulubi at mga batang palubi, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang lagi nang mababanggit. Ang DSWD ang may responsibilidad sa mga ito. Pero hindi yata nagagawa ng DSWD ang kanilang tungkulin dahil patuloy sa pagdagsa ang mga pulubi.
Nang kapanayamin sa TV si Secretary Dinky So-liman ukol sa mga nagkalat na pulubi wala siyang nailahad na konkretong solusyon kung paano ito masosolusyunan. Walang nakahandang plano.
Karamihan sa mga pulubi ay mga bata at babaing may kargang sanggol na sumasampa sa mga dyipni at nag-aabot ng sobre. Ang ilan ay may bitbit na lata at tinatambol. May mga batang pulubi na sasampa sa dyipni at walang pakialam kung mahulog o tu-malsik sa biglang arangkada ng dyipni.
Maraming pulubi sa Osmeña Highway, Quiapo, Carriedo, Rizal Avenue, España, Araneta, Quezon Avenue, EDSA-Kamuning, North EDSA, Philcoa at Novaliches, QC. Sila ay karaniwang tanawin na lamang sa lansangan. Walang pakialam ang pulis, MMDA at maski ang barangay. At dahil walang humuhuli sa kanila, inaakalang tama ang kanilang ginagawa.
Ayon sa DSWD, karamihan sa mga batang pulubi ay ginagamit ng sindikato para mamalimos. Pinahihirapan at sinasaktan ang mga bata para mapilitang mamalimos.
Payo ni Soliman, huwag maglilimos sa mga pulubi. Kapag nilimusan sila, muli silang babalik sa kalsada sapagkat may nagbibigay sa kanila.
Tama ang payo ni Soliman na huwag limusan ang mga pulubi o batang kalye. Pero gumawa sana ng paraan ang kanyang tanggapan para ganap na mapigilan sa paglipana sa kalsada ang mga pulubi lalo ang mga bata. Magandang tingnan ang lansa-ngan na walang namamalimos.
- Latest