GRABE na ang problema sa illegal drugs sa bansa at naghahatid na ng takot. Kahit sa liblib na lugar sa bansa ay mayroon nang illegal na droga at ginagawa nang halimaw hindi lamang mga kabataan kundi pati na rin ang mga may edad na. Ang shabu (methamphetamine hydrochloride) ang numero unong droga na ginagamit sa kasalukuyan. Ipinapasok ang droga sa pamamagitan ng pagbibitbit ng drug mules galing ibang bansa at mayroon din namang dito na ginagawa ang shabu. Umuupa ng apartment sa mga eksklusibo at mayayamang village ang drug syndicate at doon niluluto ang shabu. Maraming shabu laboratory na ang nawasak pero patuloy pa rin ang negosyo.
Kahit saan ay may shabu. Maski ang National Bilibid Prisons (NBP) ay mayroon ding shabu. Shabu ang dahilan kaya nagkaroon ng pagsabog sa NPB maximum security noong nakaraang linggo na ikinasugat ng anim na preso. Umano’y isang drug lord na nakakulong ang pinag-aagawan ng mga grupo ng bilanggo.
Pagkalulong sa shabu ang naging dahilan kaya kinidnap, ginahasa at pinatay ang isang UST graduate sa Molino, Bacoor. Cavite ilang linggo na ang nakararaan. Inamin ng magkapatid na traysikel drayber na gumamit muna sila ng shabu saka kinidnap ang babaing pasahero nila. Dinala nila sa isang kubo at doon ginahasa at pinatay. Ninakawan pa nila ang kawawang biktima.
Drug addict din umano ang pumatay sa isang babaing UPLB student sa Calamba City kamakalawa. Nag-iisa umano sa bahay ang estudyante nang pasukin ng addict at pinagsasaksak. Pagkaraang patayin, ninakaw pa ang mga gamit ng estudyante.
Kamakalawa, isang Amerikano ang nahulihan ng P50-milyong halaga ng shabu sa tinutuluyan nitong condo sa Makati City. Ang Kano umano ang nagsusuplay ng shabu sa ilang kilalang personalidad sa Makati.
Bakit hindi mapigilan ang pagkalat ng shabu? Kahit saan at kahit kailan ay maaaring makakuha ng shabu. Anong ginagawang hakbang ng drug enforcement agency para madurog ang drug syndicates? Nasaan ang PDEA? Nasaan ang PNP-AIDSOTF? Hihintayin pa na maging halimaw lahat bago kumilos sa problema ng illegal na droga?