Mga santo ng Pilipinas
KAPANI-PANIWALA ba naman na sa Pilipinas kung saan napakaraming kawatan, kurakot, mandurugas, peke, gahaman at walanghiya ay mayroon pa ring mga bayani? Di lang mga taong naging bayani dahil ikinamatay ang prinsipyo at pagmamahal sa bayan tulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio. Sa totoo lang, napakarami nang tao, kahit sa kararaan lang na mga taon, ang nakapagpatunay ng kadakilaan ng puso, katapatan ng pag-iisip at kahanga-hangang kilos.
Nandyan ang mga guwardya sa airport na nakakapulot ng daang libong pera, pero imbes ibulsa ay isinasauli at hinahanap pa ang may-ari! Ito ang mga tao na halos di-mapakain ang pamilya nang tatlong beses sa isang araw, hindi mapag-aral ang mga anak, baon sa utang at walang katapusan ang pangangailangan. Pero ni hindi nagdalawang-isip. Ang ginawa ay ang tama at marangal. Napakaraming kuwento na kadakilaan ang nalaman na ng tao, pero higit pa siguro ang dami ng mga kuwento ng mga kahanga-hangang Pinoy na nakakubli at hindi na mapararangalan o malaman. Nariyan ang mga miyembro ng pamilya na kinalimutan na ang sarili mauna lang ang pangangailangan ng kapatid, anak, asawa, magulang. Sa bilang pa lang ng mga OFW’s ay ilan na yun? Ito ang mga uri ng tao na inilalagay sa alanganin ang sariling buhay para sa iba.
Biruin n’yo nakakadalawa na ang mga Pinoy sa nabasbasan ng Simbahang Katolika sa Vatican mismo bilang santo na napatunayang mapaghimala at maaari nang dasalan ng lahat sa mundo? Ang unang santong Pinoy ay si Lorenzo Ruiz na tagasulat para sa mga Kastila ng pari sa Binondo, Maynila noong ika-16 na siglo. Siya ay napunta sa Japan noon kung saan bawal ang maging Katoliko. Siya ay dumaan sa matinding torture. Ikinamatay niya ang pagkakasabit sa kanya nang patiwarik. Hindi niya itinakwil ang kanyang paniniwala sa Diyos tulad ng iba niyang kasama.
Ang pangalawa na kamakailan lamang nahirang na santo ay si Pedro Calungsod, isang Bisayang teenager na napunta sa Guam bilang alalay na misyonaryo ng isang Kastilang pari. Nang sila ay nagsimulang magbinyag ng mga lokal na Chamorro ay nagalit ang isang datu dahil sa ayaw nitong pabinyagan ang bagong silang na anak. Pinatugis sila at pinapatay. Tinalian sila ng bato sa paa para lumubog. Tinuturing na kamartiran ang ginawa ni Pedro dahil kahit batambata pa, nanaig ang prinsipyo nito na panindigan ang kanyang pananampalataya, serbisyo sa kanyang among pari na di niya iniwan kahit sa gitna ng panganib. Hindi lang naging bayani kundi naging mga santo pa ang dalawa.
Wala nga siguro sa lahi ang uri ng dugo na nananalaytay sa ugali ng isang tao. Kung may bayani na Amerikano, may kawatan ding Amerikano. May mabuting Tsino, may masamang Tsino. Wala sa dugo o lahi kundi nasa tao.
Pero dapat naman siguro na magsilbing inspirasyon sa atin na may ganitong lebel pala ng katapatan ang posibleng gawin ng isang Pilipinong dukha, bata at walang pinag-aralan. Ano ba naman ang subukan lang abutin ang kahit kapiranggot ng kadakilaang ito? At para sa mga nagkalat diyang mga manhid na sa pagnanakaw, panloloko, at pangungurakot siguro dapat ay magsabit ng litrato ng dalawang santo na ito at magpakonsiyensiya araw- araw. Kung wala pa ring mangyari, aba eh siguro idasal nalang natin ang mga ito kina San Lorenzo at San Pedro at humingi ng himala!
Please lang, puwede po ba na kunin n’yo na sila Lord? Amen.
- Latest