'Bully'
HINDI maaalis kahit saang eskuwelahan, mapa-private o public man, ‘yung mga estudyanteng tinatawag nating “bully”.
Sila yung mahilig manakot, mambraso, mang-asar at manukso ng kapwa estudyante. At kung malala na ang pambu-bully, kadalasan, nananakit na ng pisikal.
Kaya nga ang Department of Education (DEPED) ay may nakalaang memorandum na dapat ipatupad ng bawat eskuwelahan sa mga estudyanteng “bully” lalo na’t kapag nagreklamo ang kapwa estudyante nito.
Ang unang-unang nagpapatupad ng memorandum na ito mula sa DEPED, ang pinakamataas na opisyal sa paaralan, ang principal.
Katulong ng principal sa pagbibigay ng disciplinary action sa isang estudyanteng bully ay ang guidance councilor o guidance office ng eskuwelahan.
Subalit, paano kung ang principal mismo ang hindi tumupad o sumuway sa dapat sanang aksiyon na gagawin sa mga estudyanteng bully sa loob ng kaniyang nasasakupan?
May katapat rin na BITAG ito. Ganito ang reklamo ng magulang na lumapit sa BITAG dahil ang principal umano ng St. James College sa Mindanao Ave., binalewala ang kanilang reklamo.
Estudyante sa highschool ang lalaking anak ng nagrereklamong magulang. Inabangan ng kaniyang kaklaseng bully sa labas ng eskuwelahan saka doon sinapak, maga at halos magdugo ang mata ng bata.
Bukod rito, may nauna na palang engkuwentro sa pagitan ng biktima at ng kaniyang kaklaseng bully. Hindi ito nakarating sa kaniyang magulang at wala ring ginawang aksiyon ang nasabing eskuwelahan.
At nitong huli, nauwi na sa sapakan. Dito, nagreklamo ang magulang sa tanggapan ng principal sa ginawa ng kanilang anak.
Disyembre pa nangyari ang nasabing reklamo, su balit hanggang ngayon, hindi pa pinaharap ng principal ang magulang ng estudyanteng bully sa magulang ng biktima.
Umabot sa barangayan pero matigas pa rin si principal. Eto ang nagtulak sa mag-asawa na lumapit sa BITAG.
Dalawang beses na-ming sunod na tinawagan ang tanggapan ng principal ng St. James College. Unang tawag, nang marinig na si Ben Tulfo ang kaniyang kausap, binabaan kami ng telepono.
Ikalawang tawag, nasa meeting na raw si principal at hindi puwedeng istorbohin. Akala niya lusot na siya sa reklamong ito.
Abangan ang mga susunod naming galaw, lahat dokumentado. Babala sa mga pinuno ng eskuwelahan na hindi ginagawa ang kanilang trabaho, huwag sanang umabot sa kahihiyan na malalaman pa ng buong bansa ang ka pabayaan sa inyong responsibilidad.
Kasalukuyan na na-ming tinatrabaho ang kasong ito.
- Latest