ASEAN Summit larga na

24K pulis ikinalat ng NCRPO
MANILA, Philippines — Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kahapon na handang-handa at nakalatag na ang mga security arrangements para sa kaligtasan ng mga delegado sa gaganaping 49th ASEAN Summit and Related Summits na gaganapin bukas,
Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 18.
“All-set na ang NCRPO para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits para sa November 16-18,” ani NCRPO spokesperson PLt Col. Hazel Asilo sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Ayon kay Asilo, nasa 20,000 pulis ang ikinalat ng NCRPO habang nasa 4,000 na augmentation ang mula sa Regions 3, 1, at 4A. Nakatutok naman ang mga tauhan ng Police
Security and Protection Group (PSPG) sa pagiging close-in security ng mga delegates.
Maging ang mga International Media Center ay dadaan sa inspeksiyon ng K9 at PNP Explosive and Ordnance Disposal (EOD) units.
Kaugnay nito, sinabi ni Asilo na bagamat wala silang namo-monitor na anumang banta patungkol sa ASEAN Summit, patuloy pa rin ang ginagawang intel monitoring at pag-a-assess ng mga kanilang natatanggap.
Muli ring nagpaalala ang NCRPO sa mga raliyista na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng protesta malapit sa ASEAN Summit venue.
Nilinaw naman ni Asilo na wala pang inilalabas na abiso hinggil sa signal jamming.
Una na ring sinabi ng Pamahalaang Lungsod ng Makati na ipinagbabawal ang drone sa buong buwan ng Nobyembre bilang bahagi ng security measures kaugnay ng 49th ASEAN Summit.
Idineklara ng Malacañang na walang pasok mula Nobyembre 16 hanggang 18 sa NCR.
- Latest






















