MANILA, Philippines — Hindi bababa sa 1,000 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang pinalaya na ng Bureau of Correction (BuCor) mula Nobyembre hanggang Disyembre ng taong ito.
Sa culminating activity kahapon sa Social Hall ng Bucor’s Administrative Building sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) Compound sa Muntinlupa City, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang, Jr. na sa kabuuang 1,000 PDLs na pinalaya sa pagitan ng Nobyembre 26 hanggang Disyembre 31, 2024 kasama ang 152 na physically present.
Sa loob ng 2024 hanggang ngayong katapusan ng Disyembre ay nakapagpalaya ang BuCor ng 7,707.
Simula naman nang maupo si Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla, may kabuuan nang 18,422 PDLs ang napalaya.
Sinabi ni Catapang na sa mga nakalaya, 625 ang nakakumpleto ng kanilang maximum sentence, 134 ang abswelto, isang granted motion for release, 38 ang nabigyan ng probation, 190 ang nakatanggap ng parole, 11 ang nakalaya sa pamamagitan ng habeas corpus at isa ang na-turn over sa kulungan.
Sa mga pinalaya na PDL, 59 ay mula sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City, dalawa mula sa CIW Iwahig Prison at Penal Farm, 18 mula sa CIW Mindanao, 170 mula sa Davao Prison at Penal Farm, 111 mula sa Iwahig Prison at Penal Farm, 69 mula sa Leyte Regional Prison, 199 mula sa Maximum Security Camp ng New Bilibid Prison (NBP), 146 mula sa Medium Security Camp ng NBP, 40 mula sa Minimum Security Camp ng NBP, 17 mula sa Reception and Diagnostic Center ng NBP, 68 mula sa Sablayan Prison and Penal Farm, at 101 mula sa San Ramon Prison and Penal Farm.
Samantala, dahil sa effectivity clause ng Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 10592, inanunsyo ng BuCor ang pagbabago sa timeline para sa pagpapalaya sa mga nahatulan ng heinous crimes na karapat-dapat para sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).