MANILA, Philippines — Kulong ang isang tricycle driver nang maisipang mag-sideline sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok sa Sampaloc, Manila kamakalawa ng gabi.
Nakapiit na ang suspek na nakilalang si Mark Joseph Oropesa, 35, at residente ng Leo St., Sampaloc, Maynila dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 7183 o An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers.
Batay sa ulat ng Manila Police District – Sampaloc Police Station 4, nabatid na dakong alas-8:45 ng gabi nang maaresto ang suspek sa Road 10 St., malapit sa panulukan ng Leo St., sa Sampaloc.
Kasalukuyan umanong nag-aalok ng kanyang mga panindang paputok ang suspek, na nasa loob ng kanyang tricycle, nang arestuhin ng mga tauhan ng Gulod Police Community Precinct
Nakumpiska mula sa suspek ang siyam na Judas’ belt na 1,000 rounds, Judas’ belt na 500 rounds, dalawang bundle ng Kwitis, 17 tuna na dating tinatawag na Goodbye Philippines, 19 piraso ng Kabase, 10 Higad, 7 bundle ng 5 Star, siyam na kahon ng piccolo, isang pack ng Big Bawang special, at dalawang kahon ng Pop-Pop.