‘Crime boss’ sa Taiwan timbog sa Makati mall

Ang dayuhan na may mga alyas na “Zhang” at “Ming”, ay may warrant of arrest na inisyu ni Hon. Eugene Conti Paras, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 58, Makati City noong Hulyo 4, 2023 sa kasong paglabag sa Sections 28 (b), (f), at (h) ng Republic Act No. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition). May kabuuang P380,000 ang piyansa sa tatlong kaso.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Makati City Police Station ang isang negosyanteng Taiwanese fugitive na nagsisilbi umanong “crime boss” sa Taiwan at supplier ng armas ng mga POGO sa isinilbing mga warrant of arrest kaugnay sa kasong may kaugnayan sa nasamsam na sangkaterbang iba’t ibang uri ng mga baril, sa isinagawang operasyon sa isang mall sa Makati City, Huwebes ng gabi.

Ang dayuhan na may mga alyas na “Zhang” at “Ming”, ay may warrant of arrest na inisyu ni Hon. Eugene Conti Paras, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 58, Makati City noong Hulyo 4, 2023 sa kasong paglabag sa Sections 28 (b), (f), at (h) ng Republic Act No. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition). May kabuuang P380,000 ang piyansa sa tatlong kaso.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Bernard Yang ng Makati City Police Station-Station Intelligence Section, nakipag-ugnayan sila sa CIDG-National Capital Region hinggil sa tatlong kaso ni Zhang/Ming na nadakip ng mga operatiba ng CIDG noong Marso 1, 2023.

Natukoy sa background investigation na si Zhang/Ming ay kabilang sa sindikatong sangkot sa paggawa ng iligal na droga, telecom fraud ­operations at iba pang kriminal na negosyo na ang operasyon ay sa Pilipinas.

Nabatid na ang operasyon ng CIDG noong nakaraang taon sa search warrant na inisyu ni Judge Rico Sebastian Liwanag ng Makati court ay nagresulta sa pagkakasamsam ng 53 piraso ng revolvers, 13 piraso ng 5.56mm assault rifles, 12 piraso ng pistola, 6 na piraso ng folding machine guns, isang FN P90 sub-machine gun, isang gun kit, daan-daang bala , assorted magazines, 3 piraso ng  suppressors, at 4 na pistol barrels.

Show comments