MANILA, Philippines — Himas rehas ang dalawang ‘tulak matapos na madiskubreng may dalang shabu na itinago sa loob ng cookie jar at nagkakahalaga ng P1.3 milyon sa buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station 7.
Ayon kay QCPD Director PCol. Melecio M. Buslig, ang mga suspek ay naaresto sa ikinasang buy-bust operation sa tabi ng isang hotel sa kahabaan ng EDSA Southbound, Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City, nitong Huwebes, Nobyembre 28.
Nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office, para sa operasyon na humantong sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 200 gramo ng shabu na may tinatayang street value na P1,360,000.
Nasa kustodiya na ngayon ng Cubao Police Station ang mga naarestong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Sinabi ni Buslig na ang pagkakasamsam ng illegal drugs ay resulta ng kanilang kampanya upang drug-free QC.
“Binabati ko ang mga operatiba ng PS-7 sa pamumuno ni PLt. Col Ramon Czar Solas para sa tagumpay na ito. Ipagpapatuloy natin ang ating masigasig na kampanya laban sa illegal na droga” ani Buslig.